AYON sa balita, hati ang Senado sa rekomendasyon ng militar at pulis na palawigin sa ikatlong pagkakataon ang martial law sa Mindanao. Una itong isinailalim ni Pangulong Duterte sa loob ng 60 araw noong Mayo 23 ng nakaraang taon pagkatapos na kubkubin ng Islamic State-allied militants ang Marawi City. Pero, pinalawig ang martial law hanggang Disyembre 31 ng taong ito nang aprubahan ng Kongreso ang kahilingan ng Pangulo nang mapaso ang 60 araw. Terorismo at rebelyon ang kanyang ibinigay na dahilan.
Ngayong magtatapos na naman ang martial law, sinabi nina Chief of Staff Gen. Carlito Galvez, Jr. ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Director General Oscar Albayalde ng Philippine National Police (PNP) na payo nila na pahabain muli ng isang taon ang martial law. Irerekomenda rin daw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na palawigin ang martial law, pero tinitiyak niya na hindi ito ipapataw sa buong bansa. Ayon sa kanya, ang nalalabing Maute terrorist ay humihingi ng tulong sa Bangsamoro Freedom Fighter na ang ipinaglalaban ay Muslim state sa Mindanao. Kailangan, aniya, ang martial law extension upang masiguro na tuluyan nang malilipol ang grupo ng mga terrorista sa Mindanao.
Hindi inihayag ng ulat kung paano nahati ang Senado. Sa buong kasapian ng Senado, ilang senador ang pumapayag at ilan naman ang tumututol? Sina Francis Pangilinan, Franklin Drilon at J.V. Ejercito pa lang ang nagpahayag ng kanilang posisyon. “Labag sa Saligang Batas ang pagpapalawig muli ng martial law” sabi nina Senador Pangilinan at Drilon. “Ang batas militar ay ipinapataw lang bilang sukdulang hakbang kapag may rebelyon at pananakop at sa limitadong panahon. Ang pagpapahaba nito ay nagpapatunay lamang na ito ay nabigo sa kanyang layunin sa rehiyon. Kasi, hindi kailanman malulutas ang problema ng mamamayan na nakaugat sa kahirapan, kakulangan ng trabaho at kawalan ng mga batayang serbisyo,” sabi ni Sen. Pangilinan. Ayon naman kay Sen. Drilon, walang batayan ang ikatlong extension ng martial law. Aniya, ang sinasabi ng militar na nanganganib sa terorismo ang lugar ay hindi nangangahulugan na may kasalukuyan o totoong rebelyon, na siyang isinasaad na batayan ng Saligang Batas para makapagdeklara ang Pangulo ng martial law.
Ang kaalyado naman ni Pangulong Duterte na si Sen. J.V. Ejercito ay kumakatig sa rekomendasyon ng militar at pulis. “Nililimitahan ng martial law ang galaw ng mga armadong grupo at pinipigilan ang pagkalat ng mga ilegal na armas. Hanggang walang naitatalang paglabag sa karapatang pantao, ako ay pabor dahil karamihan sa mga Mindanaon na nakakausap ko ay masaya at kuntento sila sa martial law,” wika ng senador.
Hindi kaya umabot sa kaalamanan ni Sen. J.V Ejercito ang reklamo ng mga lumad? Ayon sa kanilang grupo, sa pagpapalawig ng martial law ay pararamihin lamang ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killing. “Ang extension ay magdudulot lamang ng mga pagpatay pa, panggigipit at pananakot laban sa mga kritiko ng administrasyong Duterte. Walang limitasyong pasismo,” sabi ni Aglipayan Bishop Antonio Ablon, convener ng Barug Katungod Mindanao. Aniya, lubusan nang lalakas ang mga sundalo at pulis para abusuhin ang legal system tulad ng ginawang pagdakip sa 18 lider ng NGO kabilang sina Satur Ocampo at ACT Teacher Rep. France Castro sa Talaingod, Davao del Norte. Kung nagagawa nila ito sa mga prominenteng indibiduwal, eh di lalo na sa mga ordinaryong tao, lumad at magsasaka.
Hindi mo masisisi si Sen. Ejercito, dahil kandidato siya para re-eleksyon. Ang hindi matinong halalan ay pabor sa mga kandidato ng martial law ruler.
-Ric Valmonte