NAGTAGUMPAY ang Group of 20 (G20), o ang pinakamauunlad na bansa sa mundo, sa Buenos Aires, Argentina, nitong Linggo Disyembre 2, kung saan nabigo ang Asia-pacific Economic (APEC) Summit sa Papua New Guinea dalawang linggo na ang nakaraan. Nagawang makapaglabas ng G20 ng pinal na napagkasunduang pahayag na nilagdaan ng lahat ng dumalong lider mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Magulo ang naging pagtatapos ng APEC Summit nitong Nobyembre 18 makaraang walang napagkasunduan sina United States President Donald Trump at China President Xi Jinping upang maibsan ang kanilang trade war, na nagsimula nang makaapekto sa ekonomiya ng buong mundo. Muling nagkita sina Trump at Xi sa G20 Summit, at sa pagkakataong ito ay nagawa nilang magkasundo sa ilang punto, na nagbigay-daan upang makapagpalabas ang kumperensiya ng pinal na pahayag na nilagdaan ng lahat ng lider na dumalo.
Sentro ng pinal na pahayag ang kasunduan ng Amerika at China na suspindehin ang anumang bagong taripa sa tumitinding trade war sa pagitan ng dalawang may pinakamalaking ekonomiya sa mundo. Sinabi ng Amerika na hindi muna nito ipatutupad ang planong pagtataas ng taripa sa mga inaangkat ng China sa 25 porsiyento mula sa kasalukuyang 10 porsiyento. Sumang-ayon din ang China na ipagpaliban ang sarili nitong taripa sa mga produkto mula sa Amerika.
Sa susunod na tatlong buwang ng naibsang alitan, magsasagawa ang magkabilang panig ng masusing negosasyon kaugnay ng mga hinihiling ng Amerika—ang pag-aalis ng mga balakid sa kalakalan, paghinto ng intellectual property theft, at iba pang mga hakbangin para sa patas na kalakalan.
Tinalakay ng pahayag ng G20 ang maraming iba pang isyu—ang migrasyon, ang kaunlarang pinansiyal ng kababaihan, ang pagpopondo ng China sa mga proyektong imprastruktura sa maraming bansa, at ang climate change. Sa huling usapin, nagkasundo ang G20 na hindi sang-ayunan—19 sa mga miyembro ng G20 ang muling nanindigan ng suporta sa Paris Conference Agreement on Climate Change, habang muli ring binigyang-diin ng Amerika ang desisyon nitong bawiin ang suporta sa nasabing pandaigdigang kasunduan.
Pagsapit ng Marso 2019, dapat na nating makita ang isang mahalaga at pangmatagalang kasunduan sa pagitan ng Amerika at China—kung hindi ay magpapatuloy ang kanilang trade war na may nakapanlulumong epekto sa ekonomiya ng maraming bansa.
Nagsalita si Chancellor of Germany Angela Merkel para sa ibang bansa ng G20 nang magpahayag siya ng pag-asa na masusumpungan ng dalawang bansa ang isang kasunduan hinggil sa kanilang mga pagkakaiba, lalo na ngayong ramdam na ng lahat ng bansa ang negatibong epekto ng US-China trade war. Kabilang na rito ang Pilipinas, na matagal nang masiglang nakikipagkalakalan sa dalawang bansa.