Inaasahang ibababa na ng 1st Division ng Sandiganbayan ngayong Biyernes ang hatol nito sa kasong plunder ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Ito ay kaugnay ng pagkakasangkot ni Revilla sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel fund, na ipinadaloy umano sa mga pekeng non-government organization (NGO) ni Janet Lim-Napoles, ang umano’y mastermind sa nasabing scam.

Batay sa record ng kaso, binulsa umano ni Revilla ang P224,512,500 bilang kickback nito.

Noong Hunyo 20, 2014, naglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Revilla, na boluntaryo namang sumuko, hanggang sa makulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Si Revilla rin ang unang akusado sa nasabing kaso, na lalabasan ng hatol ng hukuman.

Kapwa niya akusado sa krimen sina dating Senator Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada, na kapwa nakalalaya na matapos magpiyansa.

Bukod kay Revilla, dedesisyunan din ngayong araw sa kahalintulad na kaso ang dati niyang chief of staff na si Atty. Richard Cambe, at si Napoles.

-Czarina Nicole O. Ong