NATAPOS na ng Kamara de Representantes ang mga trabaho nito para sa mga panukalang nakatakda ngayong taon, inihayag ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo nitong Biyernes, matapos pagtibayin ang maraming mungkahing panukala na inilista ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA), maliban sa isa—ang pag-apruba sa bagong Konstitusyon na nakaayon sa pederal na uri ng pamahalaan sa pamamagitan ng Kongreso bilang Constituent Assembly.
Sa natitirang dalawang linggo bago magbakasyon ang Kongreso, sinabi ni Arroyo na ilalaan ng Kamara ang natitira nitong oras upang talakayin ang mungkahing bagong Konstitusyon. Gayunman, iginiit niya, na hindi na niya inaasahang makukumpleto ang proseso sa loob ng dalawang linggo. Kailangang ipagpatuloy ang trabaho sa susunod na taon, na kukumpletuhin ng susunod—ang 18th Congress—na ang mga miyembro ay pipiliin sa gaganaping midterm election sa Mayo 13, 2019.
Binigyang-diin ng Speaker ang kawalan ng kakayahan ng kasalukuyang 17th Congress na matapos ang proseso ng pag-aapruba ng isang bagong Konstitusyon. Una nang inihayag ng Senado na kailangan nitong ilaan ang natitirang mga araw ng 2018 para siyasatin ang 2019 National Appropriation Bill na hinihinala ng mga senador na naglalaman ng ilang tagong probisyon ng “pork barrel”.
May isa pang suliranin ang mungkahing Constituent Assembly para sa Senado. Sa unang bahagi ng taong ito, nanawagan ang Kamara, na noon ay pinamumunuan pa ni Speaker Pantaleon Alvarez, ng pag-abruba sa isang Constituent Assembly kasama ng mga senador at kongresista na boboto bilang isang lupon. Determinado ang Senado na depensahan ang karapatan nitong bumoto nang hiwalay, o malulubog lang ang 24 na miyembro nito sa kawalan ng saysay laban sa 292 miyembro ng Kamara.
Higit sa isyu ng patakaran ay ang pangunahing ideya ng paghahati sa bansa sa mga ‘autonomous regions’, na ang bawat isa ay may isang gobernador at lupon ng mga opisyal, na dagdag pa sa kasalukuyang bahagi ng pamahalaan ang pambansa, probinsiyal, munisipal, at barangay.
Orihinal na nabanggit ang Pederalismo bilang isang magandang paraan upang mabigyan ng higit na kalayaan ang mga mamamayan ng Bangsamoro. Mayroon na sila ngayon nito sa pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law at ang paglikha ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao. May sarili ring nakabimbin na kahalintulad na panukala ang mamamayan ng Cordillera. Walang paghahangad sa bahagi ng anumang ibang rehiyon na mahiwalay sa isa’t isa para sa isang pederal na sistema.
Nariyan din ang problema para sa pagpopondo ng bagong bahagi ng pamahalaan—ang magiging suweldo at pondo para sa mga rehiyunal na opisina at ahensiya. Isa sa mga plano ang ilipat ang kasalukuyang pondo mula sa lokal na pamahalaan patungo sa bagong rehiyunal na pamahalaan, na nagdulot ng mga batikos mula sa kasalukuyang lokal na mga opisyal.
Ang mga susunod sa buwan ay magbibigay ng opportunidad sa mga sangkot na pag-aralan ang mga ito at ang iba pang mga isyu. Maaaring mabuhay ang mga isyu na may kinalaman sa pederalismo sa nakatakdang halalan ng lokal na opisyal, ang buong miyembro ng Kamara, at ang kalahati ng Senado.
Pansamantala, ipagpapatuloy ng Kamara ang plano nitong simulan ang pagtalakay sa iba’t ibang isyung may kinalaman sa Charter change. Dapat isama sa talakayan nito ang ideya kung kinakailangan ba talaga ang isang Charter change sa panahon ngayon.