PARA kay Pope Francis, ang Pilipinas ay isa sa mga dakilang Katolikong bansa sa buong mundo. Ang dakilang Simbahan sa Pilipinas, ayon sa Santo Papa, ay kasama ngayon sa hanay ng “great Catholic nations” sa daigdig. “Hindi nakapagtataka kung ganoon na ang Simbahang Katoliko sa PH ay patuloy sa pagpapadala ng missionaries sa ibang mga rehiyon” puri ni Pope Francis.
Kung ang Santo Papa ay bilib sa Simbahang Katoliko (hindi Katolika) sa ating bansa, parang nakapagtatakang ito ay target ng mura at insulto ng ilang lider dahil lamang sa pagkakamali at pagkakasala ng ilang pari at obispo ng Simbahan.
Halimbawa, kung sa isang pamilya ay may isa o dalawang anak na pasaway, suwail at salbahe, kailangan bang kondenahin ang buong pamilya sa pagkakamali ng ilan gayong ang buong pamilya ay nabubuhay nang disente, sumusunod sa batas at mahusay sa pakikipagkapwa-tao? Ganyan ang Simbahang Katoliko, may mga pari o obispo na sangkot sa relasyong sekswal sa mga babae, sakristan, bata at iba pa, subalit hindi ito sapat na dahilan para murahin at kondenahin ang buong Simbahan.
oOo
Hinihimok nina Sens. Sherwin Gatchalian, Bam Aquino at Koko Pimentel ang Malacañang na suspendihin ang P2 per liter increase sa buwis o excise tax sa produktong petrolyo na nakatakdang ipatupad sa Enero 2019. Ayon sa kanila, kapag itinuloy ito ng Malacañang, magbubunga ang mataas na buwis sa bagong bugso ng inflation. Lalong mag-uusad-pagong ang kabuhayan ng PH.
oOo
May posibilidad na hindi maipasa ang P3.757 trilyong pambansang budget para sa 2019 kapag itinuloy ng mga kasapi ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ipatupad ang ikalawang bahagi ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Ito ang sinabi ng mga senador kasabay ang pahayag na maaari nilang bilisan ang pagpapatibay ng pambansang budget kung ang fuel tax hike ay sususpendihin. Ang solusyon: Suspendihin ang pangalawang TRAIN law.
Naniniwala si Gatchalian, chairman ng Senate committee on economic affairs, na ang paglusog ng ekonomiya ng Pilipinas ay lalong babagal at lalong sisikad ang inflation kapag ipinilit ng Duterte administration ang implementasyon ng ikalawang yugto ng TRAIN law. Ani Gatchalian: “Kapag ang presyo ay tumaas, hindi bibili ang mga tao kung kaya babagal ang ating paglusog, gaya nang nasaksihan natin sa nakaraaang mga buwan.”
oOo
Sa bugso marahil ng galit ng ating Pangulo sa ginagawang karahasan, pagpatay, pagtambang at pangingikil ng New People’s Army (NPA), inihayag ni PRRD na bubuo siya ng DDS (Duterte Death Squad) na ipantatapat niya sa NPA Sparrow Unit. Samakatuwid, kung pumapatay ang Sparrow Unit ng mga sundalo, pulis at sibilyan, tutugisin naman ng DDS ang mga ito.
Gayunman, lubhang maingat sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at PNP chief Director General Oscar Abayalde tungkol sa isyung ito. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang DDS ng Pangulo ay nananatiling isang ideya pa lamang. Wala pang utos sa kanila.
Sinabi ng dalawang pinuno na patuloy naman ang AFP at PNP sa pagkakaloob ng seguridad sa kanilang hanay at maging sa mga sibilyan. Hindi nila papayagan ang assassination squad (Sparrow Unit) ng NPA na mamayagpag sa pagtambang at pagpatay.
-Bert de Guzman