HANDA at kumpiyansa si three-division world champion Donnie 'Ahas' Nietes para talunin si Japanese star Kazuto Ioka sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBO super flyweight title sa Disyembre 31 sa Wynn Palace Cotai sa Macau, China.
“I really feel I will be able to handle him [Ioka],” sabi ni Nietes sa mga mamamahayag na dumalo kamakailan sa press conference sa Summit Circle Hotel sa Cebu City kabilang ang Tokyo Broadcasting System (TBS) na magbo-broadcast nang live sa laban sa Japan.
“I feel I had more difficult opponents than Ioka,” sabi ni Nietes hinggil sa kanyang karanasan sa ibabaw ng ring. “But of course I have to prepare very hard for this fight.”
May rekord si Nietes na 41-1-5 na may 23 pagwawagi sa knockouts kumpara sa three-division world champion din na si Ioka na may rekord na 23 panalo, 1 talo na may 13 pagwawagi sa knockouts.
Kung magwawagi kay Ioka, si Nietes ang ikatlong Pinoy boxer na magtatamo ng apat na kampeonato sa iba’t ibang dibisyon matapos sina eight-division world titlist Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr. na nagkampeon sa limang dibisyon.
Tatangkain naman ni Ioka na maging unang Hapones na magkakampeon sa apat na dibisyon sa professional boxing.
Dapat na natamo na ni Nietes ang ikaapat na kampeonato kung hindi sa kontrobersiyal na 12-round split draw na resulta ng laban niya kay WBO No. 3 Ason Palicte ng Pilipinas noong Setyembre 8, 2018 sa Forum, Inglewood, California sa United States.
“It happens in boxing. We have to accept it. If anything, it means I have to do more to convince the judges. Or better yet, I have to knock out my opponent so the judges would not matter anymore,” dagdag ni Nietes. “In my last fight [against Palicte] I feel I can still go three, five more rounds [at the end of the fight]. I feel young – 24 years old young.”
-Gilbert Espeña