Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

8:30 n.u. -- EAC vs San Beda (j/m/w)

2:00 n.h. -- San Sebastian vs. Arellano (w/m/j)

Karl Eldrew Yulo sinabihang 'wag magbago, 'wag gagaya sa kuya

MANATILI sa solong pamumuno ang tatangkain ng San Beda University habang mag-aagawan sa solong ikalawang puwesto ang San Sebastian College at reigning titlist Arellano University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa women's division ng NCAA Season 94 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nag-iisa sa ibabaw ang Lady Red Spikers sa kasalukuyan taglay ang malinis na markang 3-0, kasunod ang Lady Stags at Lady Chiefs na may parehas na kartadang 2-0.

Unang sasabak at pinapaborang makamit ang pang-4 na sunod nilang panalo ang San Beda kontra Emilio Aguinaldo College Lady Generals ganap na ika-12 ng tanghali pagkatapos ng tapatan ng kani-kanilang mga juniors at men's squads na magsisimula ng 8:30 at 10:00 ng umaga, ayon sa pagkakasunod.

Gaya ng dati, inaasahang mangunguna para sa hangad ng San Beda na pang-apat na dikit na panalo sina Nieza Viray at Cesca Racraquin.

Matinding bakbakan naman ang aantabayanan sa tapatan ng Arellano at San Sebastian na mag-uunahang makatatlong sunod na panalo sa kanilang duwelo ganap na 2:00 ng hapon.

Sisikapin ng Lady Stags na bumawi sa ginawang pagwawalis sa kanila ng Lady Chiefs sa nakalipas na season habang magtatangka naman ang Arellano na patuloy na makaagapay sa San Beda sa liderato.

Samantala, sa huling dalawang laban, magtutunggali naman ang kanilang men's at juniors squads ganap na 3:30 at 5:00 ng hapon ayon sa pagkakasunod.

Tatangkain ng Braves(3-0) na masolo ang pamumuno sa juniors kung saan kasalo nila sa kasalukuyan ang University of Perpetual Help habang manatili sa ikalawang posisyon sa men's side ang hangad ng Chiefs (2-1) sa pagsagupa nila sa Stags(1-1).

-Marivic Awitan