Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang lalaking itinuturong nangholdap at pumatay sa isang Ateneo graduate at empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Marikina City, kamakailan.

Iniharap ngayong Miyerkules ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga mamamahayag ang suspek na si Jayvee Santos, 24, alyas “Diablo”.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Dinakip si Santos sa isang checkpoint sa Apitong Street, Barangay Marikina Heights, madaling araw ngayong Miyerkules. 

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang isa pa niyang kasamahan, na 16-anyos lang.

Ang dalawa ang itinuturong nangholdap, sumaksak at nakapatay kay Francis de Leon, 24, sa panulukan ng J. Molina at Bluebird Streets sa Bgy. Concepcion Uno ilang metro lang ang layo sa bahay ng biktima, nitong Disyembre 1, dakong 1:20 ng madaling araw.

Kagagaling lang ni De Leon sa isang internet café nang matiyempuhan ng mga suspek.

Nagtamo ng mga saksak sa dibdib at batok ang biktima na ikinasawi nito.

Modus operandi umano ng mga suspek na mag-ikot at maghanap ng kanilang mabibiktima, at minalas na matiyempuhan ng mga ito ang biktima.

Sinabi ni Marikina City Police chief, Senior Supt. Roger Quesada na ang mga suspek ay positibong kinilala ng testigong hawak ng pulisya na nag-alok umano ng Samsung cell phone na nakuha mula sa biktima at ipinahahanap umano nito ng buyer.

Nailibing na sa si De Leon sa Loyola Memorial Park sa Marikina City nitong Martes ng umaga.

-Mary Ann Santiago