DAPAT munang mapigilan o makontrol ng pamahalaan ang umiiral ngayong inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo bago isulong at ipatupad ang ikalawang bahagi ng buwis sa produktong petrolyo o fuel excise tax sa Enero 2019.

Hiniling ng mga mamamayan at maging ng ilang mambabatas sa economic managers ng Duterte administration na gumawa ng mga paraan at safety nets para sa mahihirap, na siyang nagpapasan sa bigat ng mga bilihin kapag hindi nasawata ang inflation.

Nitong Oktubre, ang inflation rate ay pumalo sa 6.7% bunsod ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Ngayong unti-unting bumaba ang presyo ng crude oil (diesel at gasolina) sa world market, umaasa ang mga Pinoy, lalo na ang nasa tinatawag na laylayan ng lipunan, na bababa rin ang presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo.

Kung sa bagay, kumikilos naman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mga miyembro ng kanyang gabinete, lalo na ang mga eksperto sa ekonomiya at pananalapi, para mapababa ang presyo ng mga bilihin. Kaugnay nito, nag-isyu ng magkahiwalay na pahayag sina Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, at Sen. Koko Pimentel tungkol sa plano ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) na ituloy ang nakatakdang pagtataas sa excise taxes ng gasolina at diesel sa susunod na taon sa ilalim ng ikalawang yugto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Si Angara ang principal author ng TRAIN law samantalang si Pimentel ang Senate president noon nang ipasa ang kontrobersiyal na batas. Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na ang proposal ng DBCC ay kailangan pang pag-aralan at talakayin nang husto. Ayon kay Panelo, batid ng Pangulo ang sentimyento ng Filipino consumers kung kaya tinitimbang niya ang magiging epekto at bunga nito sa sambayanan.

oOo

Hindi pagkakalooban ng pardon ni Mano Digong ang tatlong pulis-Caloocan na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay kay Kian Loyd delos Santos noong 2017. Ito ang kauna-unahang conviction sa isinusulong na brutal drug war ng Pangulo.

Marahil ay lubhang lumakas ang loob ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) noon dahil halos araw-araw ay inuulit ni Mano Digong na wala isa mang pulis na mabibilanggo kaugnay ng pagsugpo sa illegal drugs na hate na hate ng Presidente.

Sa unang mga buwan ng pagkakaluklok ni PDu30, araw-araw ay may itinutumbang drug pushers at users ang mga pulis dahil “nanlaban” daw. Takot ang lahat. Matatapang ang mga pulis na parang bumabaril lang ng manok sa bakuran. Walang maglakas-loob na magreklamo dahil mismong ang Pangulo ang gumarantiya na hindi makukulong ang sino mang pulis.

Pero, iba ang naging kaso ni Kian. Nakita sa CCTV at rekord na tandisang kinaladkad at binaril ang teenager na nagmamakaawang pakawalan siya dahil may test pa siya bukas. Idineklara ni Judge Rodolfo Azucena ng Caloocan City RTC Branch 125, na guilty sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz. Mabibilanggo sila ng 40 taon.

Sana naman ay matigil na ang pagpatay sa pushers at users sapagkat ang buhay ng isang tao ay mahalaga. Maging sa Bibliya ay nakasaad sa 10 Utos na “Huwag kang Papatay.” Kung may kailangang itumba, sabi ng may maiinit na ulo, ang dapat itumba ng Duterte administration at PNP ay iyong mga drug lord, smuggler at supplier. “Kung walang drug (shabu) supplies, walang pushers at users.”