INILUNSAD ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang overseas Filipino worker (OFW) e-Card sa Estados Unidos kamakailan, na layuning magkapagbigay ng mas madaling proseso upang makasali ang mga OFW sa mga programa ng ahensiya.
Ito ang ibinahagi ni Grace Valera, direktor ng Migrant Heritage Commission (MHC) na nakabase sa Washington, DC, nitong Linggo.
Ang MHC ay isang Filipino-owned private organization, na nagkakaloob ng serbisyong legal na may kinalaman sa immigration sa mga Pilipinong naninirahan sa Amerika.
Sinasabing nasa mahigit 250,000 OFW na nasa US ang makikinabang sa unang bahagi ng implementasyon ng e-card project.
Ayon kay Valera, maaaring magamit ang e-card nang libre ng lahat ng aktibong “balik-manggagawa” na mga OFW, na may valid overseas employment certificate (OEC), o exemption number at isang valid passport.
Kabilang sa mga programa ng OWWA na maaaring magamit sa pamamagitan ng e-card ang welfare services, scholarships, training programs, at benepisyo.
Sa pagkuha ng mga programang ito, maaaring ipakita ng OFW ang kanyang e-card sa alinmang OWWA regional welfare office o sa Philippine Overseas Labor Offices (POLO) at sa mga embahada.
Maaari ring magamit ang e-card na valid government identification card, bukod sa pagpapatunay ng OWWA membership.
Nagbukas din ang ahensiya ng mga help desk sa lahat ng mga OWWA offices sa bansa, gayundin ang mga overseas posts, upang magbigay-agapay sa mga OFW na may kuwestiyon hinggil sa proyekto.
Para sa mga OFW na nais mag-apply ng kanilang e-cards, maaaring bisitahin ang OWWA website at kunin ang kanilang mga card sa pagbabalik nila sa Pilipinas o kahit sinong miyembro ng pamilya na may authorization letter at kopya ng OFW’s passport identification page.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.3 milyon ang bilang ng mga OFW nagtatrabaho mula Abril hanggang Setyembre 2017.
Sa bilang na ito, 97 porsiyento ay binubuo ng mga overseas contract workers (OCWs) o mga Pilipinong may work contract. Habang ang natitirang 3% ay nagtatrabaho nang walang kontrata.
PNA