NGAYON pa lamang ay pinag-aaralan ko na kung sino ang aking iboboto sa mga kandidatong tumatakbo sa halalan sa Mayo 2019, bilang pagtupad sa ating “Right to Suffrage” o karapatang bumoto na nakadambana sa ating Saligang Batas.
Ang palaging prioridad ko sa pagpili ‘yung mataas ang narating sa pag-aaral dahil sa paniwala kong kailangan ang utak – at hindi ang pagiging pogi, seksi o kaya ay ang pagiging sikat -- sa paggawa ng batas na gagabay sa buhay nating mga mamamayan sa bansang ito.
Hangga’t maaari, ang gusto kong manalo ay kandidatong dumaan sa hirap -- mula sa pag-aaral hanggang sa paghahanap ng trabaho – sa paniwala ko na ang taong tulad nila, ay may tunay na pagmamahal sa bayan, lalo na sa mga mahihirap.
Ang nadagdag sa aking listahan na sigurado ko nang isusulat sa aking balota sa darating na eleksyon ay ang dalawang kandidato na naging panauhin nitong nakaraang Linggo sa news forum na Balitaan Sa Maynila, na ginanap sa Bean Belt Coffee sa Dapitan street sa Sampaloc, Manila.
Sila ay sina dating Solicitor General Atty. Florin Hilbay na kandidato sa pagka-senador at si retired Sr. Supt. Cesar Mancao ng May Pag-asa party list.
Ang sinasabi kong listahan ay ang aking “White Book” – kulay puti dahil sa ang mga kandidatong nakatala rito ay nakitaan ko ng katapatan, kalinisan at may kaibuturan ang hangarin na magkapagsilbi sa bayan, nang marinig ko silang magsalita sa mga news forum, na isa ako sa mga moderator.
Pinili ko si Hilbay dahil sa kabila ng pagiging “agrabiyado” niya sa pamumuhay mula sa pagkabata, dala ng matinding kahirapan, ay nakatindig at nakatapos siya ng pag-aaral na palaging iskolar, mula sa UST, UP hanggang Yale -- naging topnocher pa sa bar exam -- at ngayon ay isang matinik na abogado.
Ang isa sa masasabi kong gintong korona niya sa buhay ay nang maipanalo niya ang West Philippine Sea bilang bahagi ng ating bansa na ayon sa kanya ay dapat na gawing “trophy” ng ating pamahalaan, mahalin at ‘wag ipamigay.
Ang paborito kong litaniya ni Hilbay:”Ako po ay batang Tondo, lumaking mahirap, so lagi po akong dehado, pero ako po ay nag-No. 1 sa Bar, naging pinakabatang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, at naging batang solicitor general. Malaki po ang aking tiwala sa kapasidad ng mamamayan na sumipat ng qualifications at karakter ng ating mga senador.”
Isinama ko rin sa aking listahan si Mancao - na kilala ko noon pang siya ay batambata at napaka-aggresibong opisyal ng PNP. Sa kabila ng delubyong inabot sa buhay – nakulong at nagtago ng halos 17 taon sa iba’t ibang kasong kinaharap - dahil sa prinsipyo na kanyang pinanindigan na alam niyang makakabuti sa ating bayan. Naniniwala kasi si Mancao at ang grupo niya na Kilusang May Pag-asa Party List na – “Ang seguridad sa komunidad ay isang saligan ng Bayang Matatag”.
At dahil sa hirap na inabot ni Mancao sa loob ng 17 taon, nang mapawalang-sala siya sa lahat ng kasong naisampa laban sa kanya, gusto niyang bumalik sa naudlot niyang pagse-serbisyo publiko at gawin ang naantala niyang adhikain para sa mga dati niyang kasama sa serbisyo. Ang bukambibig niya: “Magandang umaga! May Pag-asa!”
Ang mga nauna ko nang naitala sa aking “White Book” ay ang mga tumatakbong senador na sina dating DILG secretary Rafael Alunan, na para sa akin ay malalim ang nalalaman sa diplomatic at military affairs at may mahabang karanasan na sa pagseserbisyo publiko; Atty. Romy Macalintal, ang paborito kong abogado na tagapagtanggol ng karapatan naming mga senior citizen; Rep. Gary Alejano, ang matikas at matapang na mambabatas na representante ng Magdalo party list; at si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na ‘dimatatawaran ang ipinakikitang pagmamalasakit sa mga mahihirap nating bayan.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.