NANG mag-appear sa screen ang Kapuso actress na si Max Collins sa press preview ng Rainbow’s Sunset na pinagbibidahan nina Eddie Garcia, Tony Mabesa at Ms. Gloria Romero, agad na nahinuha na siya si Sylvia, ang batang karakter ni Gloria sa pelikula, at iisa ang sinasabi ng press people, bagay sa kanya ang role. Napaka-queenly kasi ng dating ni Max, tulad din ni Gloria na kinilalang Queen of Philippine Movies.

Max copy

Hindi ba natakot si Max na gumanap sa role ni Sylvia dagdag pa na ang direktor niya ay si Joel Lamangan?

“Dream ko pong makatrabaho si Direk Joel, pero takot ako baka hindi niya magustuhan ang acting ko,” natatawang sagot ni Max sa mediacon ng movie. “Pero challenge po ito sa akin dahil kailangan ko pong gayahin ang kilos at pananalita ni Tita Gloria para tumama ito kapag siya na ang older Sylvia. Natuwa po ako nang nakapasa ako kay Direk Joel at pinuri niya ang acting ko. Nakahinga ako nang maluwag after ng mga eksenang ginawa ko.”

Pelikula

'And The Breadwinner Is...' kumita na ng mahigit ₱400M

Noon pa naman ay napupuri na ang acting ni Max, sa telebisyon man o pelikula. Nakapasa nga rin ang acting niya sa Citizen Jake, kung saan ang nagdirek ay ang istriktong direktor na si Mike de Leon.

Sa December 11 ang first wedding anniversary na nila ng husband niya si Pancho Magno, na isa ring Kapuso actor. Wala pa ba silang balak magkaroon ng baby?

“Wala pa po, pareho pa kaming nag-iipon ni Pancho para sa magiging family namin. Ini-enjoy pa namin ang married life, magkatulong kami sa bahay, si Pancho po kasi mahusay magluto, siya ang nagluluto lagi at ako taga-set-up lamang ng table pero kapag may time, tinuturuan din niya akong magluto para hindi ako taga-kain na lamang.

“Ayaw ko pa po dahil medyo nagkasunud-sunod ang work ko, after po nitong Rainbow Sunset, may sinisimulan na rin kaming bagong teleserye sa GMA at ayaw ko pong maapektuhan kung mabuntis ako. First time po na magkasama kami ni Pancho, kasama rin namin sina Jason Abalos, Kim Domingo, Neil Ryan Sese, na idinidirek ni Neil del Rosario. Hindi ko pa po p’wedeng sabihin ang title ng series dahil baka palitan pa nila.”

Produced ng Heaven’s Best Entertainment Productions, ang Rainbow’s Sunset ay isa sa walong official entries sa 2018 Metro Manila Film Festival na mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa simula sa December 25.

-NORA V. CALDERON