ANG naging hatol nitong nakaraang Huwebes sa tatlong pulis ng Caloocan City hinggil sa kasong pagpatay sa 17-anyos na bata sa anti-drug operation ng pulisya noong Agosto, 2017, ay malaking tagumpay para sa hustisya sa Pilipinas sa panahong may pangamba at pagdududa hinggil sa kasalukuyang kampanya ng pamahalaan laban sa krimen, sa tila paglabag sa itinatag na legal at konstitusyunal na pamantayan.
Sa pagsisimula ng kampanya ng bagong administrasyon laban sa ilegal na droga noong 2016, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa pulisya ang malawakang operasyon laban sa mapanganib na droga, na iniutos ang “shoot to kill” kung nasa panganib na ang buhay ng mga ito. Kung gaganti o manlalaban ang drug suspect—o unang magpapaputok, aniya.
Malinaw ang utos ng Pangulo, ngunit maaaring humikayat ang kanyang mga salita sa ilang pulis na isiping poprotektahan sila kahit pa nagmalabis ang mga ito. Patuloy na tumaas ang bilang ng mga nasasawi sa proseso ng kampanya, na nagdulot ng kritikal na atensiyon mula sa United Nations Commission on Human Rights gayundin sa maraming dayuhang lider, kabilang si dating United States President Barack Obama.
Habang patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga katawan kasabay ng pagdami ng mga batikos, pinalitan ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police (PNP) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang punong ahensiya ng anti-drugs campaign. Makalipas ang mahabang panahon, inanunsiyo ng pamahalaan na hanggang noong Oktubre 31, 2018, nasa mahigit 4,999 ang bilang ng nasawi. Bukod pa ang 22,000 iba pang pagkamatay ngunit ito ay sinasabing kaugnay ng mga krimeng robbery, gang wars, ambush, at iba pa, at inilarawan bilang “Deaths under Inquiry.”
Napatay ng mga pulis si Kian Lloyd de los Santos noong gabi ng Agosto 16, 2017, na sinasabing may baril at nanlaban. Gayunman, isiniwalat ng isang saksi na sinuntok at pinagsasampal ng pulis ang teenager saka binigyan ng baril at sinabihan paputukin ito saka tumakbo. Tumanggi umano si Kian at binaril ito ng mga pulis, kahit pa nagmakaawa ito ng, “Sir, huwag po!”—dalawang tama sa ulo at isa sa likuran.
“The court commiserates with our policemen who regularly thrust their lives in zones of danger, but the use of unnecessary and wanton violence is not justified when the fulfilment of their duty as law enforcers can be effected otherwise,” pahayag ng hukom sa paghahatol sa tatlong akusadong pulis. “A shoot-first, think-later attitude can never be countenanced in a civil society.”
Matapos na ilabas ng desisyon ng korte, sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Benigno Durana, Jr. na hindi kailanman nagkaroon ng ‘state-sponsored policy’ para patayin ang mga drug suspects, maliban na lamang kung magsimula ang mga ito ng gulo at manganib ang buhay ng mga pulis. Tiyak ang naging paalala sa simula ng kampanya, ngunit ilang mga pulis ang tila nagkamali ng pagkakaunawa sa orihinal na utos ng Pangulo. O ginamit lamang nila ito upang pagtakpan ang kanilang mga paglabag at kanilang kalabisan.
Ngayong inilabas na ang unang hatol ng korte, nawa’y wala nang maging maling pagbasa sa kautusan ng Pangulo. Nararapat na magpatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga, ngunit kailangan itong ipatupad ng nakaayon at may pagrespeto sa batas lalo’t higit sa karapatan ng masa, katulad ng batang si Kian Loyd de los Santos ng Caloocan City na walang awang pinagbabaril habang nagmamakaawa para sa kanyang buhay.