HULING buwan ang Disyembre sa kalendaryo ng ating panahon. Kung ihahambing sa magkakapatid, pinakabunso ang Disyembre. Ngunit sa kabila ng pagiging huling buwan sa kalendaryo, masasabi namang ito ay natatangi at naiiba sa maraming dahilan. Una, makulay ito sapagkat pagsapit ng Disyembre at kung minsan, kapag nagsimula na ang “ber months” (Setyembre, Oktubre, Nobyembre), mapapansin at makikita na sa mga bintana ng maraming tahanan, lalo na sa bahay ng mga mayayaman at nakahilata sa salapi ang mga nakasabit na mga parol at Christmas lights. Sa gabi, makatawag-pansin ang mga liwanag. Naghahabulan ang may iba’t ibang kulay ng liwanag. May iba’t ibang kulay rin ang pumikit-dumilat na liwanag ng mga parol na iba’t ibang ang laki.
Bukod sa mga nabanggit, may mga bahay din na dinarayo ng marami dahil sa makukulay at nagliliwanag na palamuti. May malaki ring Belen na dagdag-kulay sa pagdiriwang ng Pasko. Ang Belen ang nagpapagunita sa araw ng pagsilang ng Banal na Mananakop. Ang nariring naman na mga himig ng Christmas Carol o mga awiting pamasko kabilang ang “Christmas in Our Hearts “ ni Jose Mari Chan, ay dagdag-sigla sa pagdiriwang ng Pasko. Ang ibang nakaririnig ay sumasabay sa pag-awit. Ang hindi marunong umawit o sintunado ay humuhuni-huni na lamang.
Hindi maiwasan na magbalik ang alaala ng Pasko sa iba nating kababayan kapag naririnig na ang mga awiting pamasko. Masaya, makulay at malungkot na mga alaala. Hindi rin naman maiwasan ng iba na maluha lalo na ang mga may anak, kapatid, asawa at iba pang mahal sa buhay na nasa ibang bansa at mga namatayan ng mga mahal sa buhay at kamag-anak. Para sa mga magkakahiwalay na pamilya, pamawi ng lungkot ang pag-uusap at kumustahan sa cell phone. Magkalayo man ay nagkikita sa cellphone.
Makulay at masasabing buwan na naliligo sa liwanag ang Disyembre sapagkat patuloy na tumitingkad ang liwanag ng mga ilaw na may iba’t ibang kulay. Makikita ito sa mga Christmas lights na nakasabit at palamuti sa itinayong malaking Christmas tree sa harap ng munisipyo o sa municipal park. Sa gabi, ginagawa itong pasyalan ng mga mamamayan, ng mga estudyante at mga teenager. Nagpapakuha ng larawan sa cell phone na ang background ay ang malaki at maliwanag na Christmas tree, na mabilis na naipapadala sa mga kamag-anak at kaibigan na nasa ibang bansa.
May hatid na galak ang Disyembre sa mga manggagawa at empleyado sapagkat matatanggap na nila ang kanilang mga Christmas bonus at 13th month pay. Hindi sana sila maging biktima ng mga barat na employer para masaya ang pagdiriwang nila ng Pasko.
Maging sa mga SSS pensioner, ang Disyembre ay may hatid ding sigla at galak dahil matatanggap nila ang kanilang bonus at 13th month pay, gayundin ang mga empleyado ng pamahalaan. Malaking tulong ito sa pamilya. May pambili na ng maihahanda sa Pasko at ng kanilang maintenance medicine tulad ng gamot sa high blood at diabetes.
Sa mga ina at ama ng tahanan na parehong nagtatrabaho sa mga pribadong tanggapan, mga pabrika at iba pang business establishment, ang 13th month pay Christmas bonus ay magagamit sa pagbili ng mga bagong sapatos at damit nina Nene at Totoy sa ukay-ukay. Maisisimba at magagamit sa kanilang pamamasko. Makabibili rin ng pagkain na mapagsasaluhan ng pamilya sa Noche Buena. Ang mga talagang busabos at masasabing poorest of the poor (pinakamahirap), ang kanilang pagsasaluhan sa Noche Buena ay ang biniling tuyo, daing o pritong dilis na isasawsaw sa sukang may pinipitpit na bawang. Ang iba’y pagsasaluhan naman ang biniling suman sa lihiya o suman sa buli na ang sawsawan ay pulang asukal o kaya ay palalanguyin sa anemik na pinakulong tsokolateng walang gatas.
Makulay, masaya, makasaysayan at natatangi ang Disyembre. Iba’t iba ang paraan ng pagdiriwang ng Pasko. Ngunit ang diwa ng Pasko na pag-ibig, pag-asa at kapayapaan ang hangad ng marami nating kababayan. Mangibabaw sana sa puso ng bawat Pilipinong ang pananalig sa banal na Sanggol na isinilang sa Bethlehem, na dakilang alay ng Diyos sa sangkatauhan.
-Clemen Bautista