Sa isyu ng paghirang ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema, ipinamalas muli ni Pangulong Duterte ang kanyang kawalan ng kakayahang magpakatotoo sa kanyang mga salita o pangako.
Nang matagumpay na patalsikin ng kanyang mga kaalyado si dating Chief Justice Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto, ang pinaka-senior noon ay Senior Associate Justice Antonio Carpio. Pero, tinanggihan niya ang kanyang nominasyon para humalili kay Sereno, kaya, ang lumabas na pinaka-senior ay si Senior Associate Teresita Delos Reyes Castro.
Dahil ayon sa Pangulo, tradisyon sa Supreme Court na ang papalit sa nagretirong Chief Justice ay ang pinaka-senior na mahistrado, hinirang niya ay si Castro. Nang magretiro ito, hindi sinunod ng Pangulo ang tradisyon. Ang hinirang niya ay si Justice Lucas Bersamin kahit ang pinaka-senior ay si Antonio Carpio.
Nang magretiro si Chief Justice Reynato Puno, ang pinaka-senior ay si Carpio. Pero, ang ipinalit ni dating Pangulong Gloria ay ang kanyang midnight appointee na si Justice Renato Corona.
Nang ma-impeach si Corona, kahit si Carpio ang pinaka-senior sa mga mahistrado, ang hinirang ni dating Pangulong Noynoy bilang Chief Justice ay ang bagong hirang niyang mahistrado na si Sereno. Kung nasunod lang ang tradisyon sa SC, matagal nang Chief Justice si Carpio.
Pero bawat pangyayari ay may dahilan. Nang walang tigil ang pagpatay sa pagpapairal ng war on drugs, isa sa mga naging biktima ay si Kian delos Santos. Sa panahong iyon, napakatapang ng Pangulo na sabihin sa mga pulis na sagot niya ang mga ito. Kapag sila raw ay nakapatay dahil sa tungkuling paglipol sa mga sangkot sa droga, mahatulan man sila, may kapangyarihan siyang magbigay ng pardon.
Hindi naman natinag ang mga magulang ni Kian sa paghanap ng katarungan para sa kanyang pagkamatay. Humantong sila sa korte ni Judge Rodolfo Azucena, Jr. ng Regional Trial Court, Branch 25 ng Caloocan City.
Hinatulan, kamakailan, ng reclusion perpetua ang tatlong pulis na responsable sa pagkamatay ni Kian. Binigyan niya ng armas ang taumbayan laban sa war on drugs ng Pangulo dahil wika niya sa kanyang desisyon: “Ang kapayapaan ng publiko ay hindi nakabatay sa buhay ng tao.”
Sa hangarin ng Pangulo na maisahan ang kanyang matinding kritiko na si Sen. Antonio Trillanes IV, binawi niya ang amnestiya na iginawad sa Senador ni dating Pangulong Noynoy at ipinaaresto ito. Dahil walang warrant of arrest, ipinagtanggol at kinupkop ng Senado si Trillanes.
Para matupad ang hangarin ng Pangulo na makulong ang Senador, binuhay ng Department of Justice (DoJ) ang mga kasong rebelyon at coup d’etat laban sa senador at hiniling sa mga korte ng Makati na mag-isyu ng warrant of arrest. Bumigay si Judge Elmo Almeda at binuhay ang rebelyon, pero dahil bailable ito, nagpiyansa si Trillanes.
Si Judge Andres Soriano ng RTC, Branch 148, Makati, na binagsakan ng coup d’etat na walang piyansa, ay nag-utos na dinggin ang kahilingan ng DoJ, lalo na iyong pag-aresto sa senador. Hindi nag-isyu ng warrant of arrest ang hukom at idinismis ang kasong coup d’etat laban dito.
Ang buong bayan, gaya nina Kian at Sen. Trillanes, ang nangangailangan ng proteksyon at katarungan.
oOo
Inilalatag na ang mga basehan sa pagdedeklara ng martial law na maglalagay sa bansa sa ilalim ng kadiliman. Ang Social Weather Station, na laging nagsasabi na mataas ang approval rating ng Pangulo, ay naglabas ng survey kamakailan na lumala na ang krimen sa bansa.
Pero, ang laging laman ng balita ay pag-aresto at pagpatay sa mga sangkot sa droga at pagsalakay sa mga drug den. Binabawi nila ang mga nakapuslit na bilyung-bilyong piso na nakalusot o ipinalusot sa mga pantalan.
May mga pananambang na nangyayari na dumarami dahil nalalapit na ang halalan.
oOo
Samantala, tinatalakay na ang pagbabago ng Saligang Batas. Hindi naging Chief Justice si Carpio dahil mayroon siyang misyon na buong tapang niyang maitataguyod tulad ni dating Chief Justice Claudio Teehankee noong kabangisan ng martial law ni dating Pangulong Marcos.
Tulad ni Carpio, hindi siya hinirang na Chief Justice ng dating Pangulo kahit siya ang pinaka-senior na mahistrado. Ang people power ang nag-upo sa kanya bilang Punong Mahistrado.
-Ric Valmonte