Tumanggi kahapon si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde na mag-ikot at bisitahin ang mga paaralan ng mga katutubong Lumad, gaya ng hamon sa kanya ni ACT Teacher Party-list Rep. France Castro.

Sinabi ni Castro, isa sa 18 miyembro ng grupo ng fact-finding mission na ikinulong sa Talaingod, Davao del Norte dahil sa umano’y pagdukot sa mga menor de edad, na dapat makita nang personal ng PNP chief kung anong kabutihan ang itinuturo sa mga batang Lumad.

“Hinahamon kita, Albayalde. Sasamahan kita sa isang Lumad school at mag-observe ka doon kung ano ‘yung itinuturo at nang makikita mo kung gaano kagagaling ‘yung estudyante ng mga Lumad school,” paghahamon ni Castro.

Gayunman, kumbinsido si Albayalde na ilang mga paaralan ang ginagamit ng mga komunistang rebelde upang turuan ang mga batang Lumad ng mga kontra-gobyernong asal bilang bahagi ng kanila umanong recruitment sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) group.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Aniya, galing mismo sa mga katutubo ang nasabing impormasyon.

Binanggit pa ni Albayalde ang kaso nang isang 14-miyembro grupo ng IPs sa Mindanao, na tinatawag na Mindanao Indigenous Peoples’ Coalition for Cultural, Justice and Integrity, na sinabi sa kanya na ilang institusyon na itinayo para sa mga Lumad ang nagtuturo ng ibang pambansang awit at paraan kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng firearms.

-Martin A. Sadongdong