CAPAS, Tarlac – Apat na katao ang napatay, kabilang ang dalawang pulis, nang magbarilan ang mga ito nang harangin ng dalawang lalaki ang minamanehong truck ng isa sa mga nasawing alagad ng batas sa Capas, Tarlac, kamakailan.
Sa ulat kay Provincial Police director, Senior Supt. Ritchie Medardo Posadas, kinilala ang mga napatay na sina SPO2 Jason Garcia, 45, nakatalaga sa Mabalacat City Police Station; at PO3 Vincent Lugtu, 40, nakatalaga sa Camp Olivas, Pampanga; Clint Donald Lugtu, 33; at Renato Mercado, nasa hustong gulang, kapwa taga- Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
Pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaslang sa magkapatid na Lugtu na si Bernie Hernandez, nasa hustong gulang, ng Sitio Suarez ng nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rez Santos, naganap ang insidente sa Sitio Pingal, Bgy. Sta. Lucia, nitong Sabado, bandang 3:00 ng hapon.
Bago ang insidente, pauwi na sina Garcia at kasama si Hernandez, lulan sa dump truck, nang harangin sila nina Lugtu (Clint Donald) at Randolf Muñoz sa hindi malamang dahilan.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Clint at Garcia hanggang sa dumating si PO3 Lugtu, kapatid ng nakababatang Lugtu, kaangkas si Mercado at biglang binaril si Garcia.
Nagawang makipagbarilan ni Garcia hanggang sa matamaan ng ligaw na bala si Mercado.
Bigla namang bumaba sa truck si Hernandez at pinagbabaril ang magkapatid na Lugtu bago tumakas.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso.
-LEANDRO ALBOROTE