Isang miyembro ng Philippine Navy ang napatay ng pinaniniwalaang grupo ng New People’s Army (NPA) sa Albay, kamakailan.
Sa ulat ng militar, ang biktima ay si Senior Chief Petty Officer (SCPO) Jesus Saavedra, 55, nakatalaga sa Naval Forces Southern Luzon (NavForSoL) sa Rawis, Legazpi City.
Pabalik na si Saavedra sa kanilang kampo mula sa pamamalengke sa Binodegahan, Pio Duran, Albay, nang pagbabarilin ng anim na lalaking umano’y kaanib ng Special Partisan Unit (SPARU) ng NPA, bandang 4:10 ng hapon.
Binawian ng buhay sa pinangyarihan si Saavedra, na nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga rebelde patungong liblib na barangay sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, kinondena ng pamunuan ng NavForSol ang insidente.
Ayon kay Ensign Estella Jane Sasil, acting Director ng NavForSoL, hindi makatao ang nasabing pag-atake ng mga rebelde.
"We are one with the family of SCPO Saavedra in seeking for an assurance that justice will be served," ayon sa kanya.
-Francis T. Wakefield