Mas maraming tao ang piniling iulat sa pulisya ang krimen, kaya tumaas ang bilang ng mga nagsasabing nabiktima sila ng mga kriminal sa ikatlong bahagi ng kasalukuyang taon.
Ang isa pang dahilan, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP), ay ang Holidays season, na karaniwang dumadami ang kaso ng robbery at theft.
“There are certain crime types that are ‘seasonal’ in terms of frequency which become more prevalent when the element of opportunity is present such as during the Holiday season when the objects of crime abound,” saad sa pahayag ng PNP.
Gayunman, taliwas ito sa pahayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na wala silang na-monitor na pagdami ng kaso ng krimen tuwing “ber” months sa nakalipas na dalawang taon.
Una rito, sa resulta ng pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey hinggil sa mga biktima ng krimen sa ikatlong bahagi ng taon ay lumalabas na nasa 1.4 milyong Pinoy ang biktima ng mga krimen, na tumaas mula sa 5.4 porsiyento na naitala sa ikalawang bahagi ng taon, at naging 6.1%.
Paliwanag ni Albayalde, sa unang bahagi ng kasalukuyang taon, simula Enero hanggang Marso, ay nasa 6.6% ang naitalang biktima ng krimen, katumbas ng 1.5 milyong Pilipino.
Ngunit sa ikalawang bahagi ng taon, simula sa Abril hanggang sa Hunyo, bumaba ito sa 5.4%, o nasa 1.2 milyong Pilipino.
Sa kabuuan, sinabi ni Albayalde na mayroong malaking bawas sa kaso ng krimen kung isasama ang unang 10 buwan ng kasalukuyang taon.
“In our analysis of the national crime environment, 10-month Total Crime Volume decreased 13.06% in January thru October 2018 as compared with the Total Crime Volume during the same period in 2017,” pahayag ni Albayade.
Aniya pa, sa SWS survey noong Setyembre 15-23, 2018 makikita na may pagbabago sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan laban sa mga kriminal – mula 55% noong Hunyo 2018 ay naging 52% noong Setyembre 2018.
“Overall, we take this empirical measure of public perception of experience with crime as an indication of greater feeling of safety from crime and subsequently lesser fear of crime,” pahayag ni Albayalde.
“The slight increase in the number of Filipinos who fell victims to crime over the past three months can be attributed to the holiday season and a greater confidence of citizens to report crime to the police,” dagdag pa niya.
-Aaron Recuenco