KASABAY ng pagtatapos ng “Kalinaw Kultura” (culture of peace) nitong Biyernes, 11 tribo ng rehiyon ng Davao ang nagtanghal para sa dalawang araw na cultural festival tampok ang mga sayaw, film showing, at pagbisita sa Kadayawan Village sa loob ng Magsaysay Park.
Ang “Kalinaw Kultura” sa Davao ang huling bahagi ng serye ng mga pagtitipon, na inorganisa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pamamagitan ng Philippine Information Agency (PIA), katuwang ang National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at ang iba pang stakeholders ng pamahalaan.
Kahahalintulad na pagtitipon din ang unang isinagawa sa Iligan, Butuan, Zamboanga, at Koronadal.
Ayon kay PIA Director General Harold Clavite, ang “Kalinaw Kultura” ay itinatag noong 2017 sa layuning isulong ang kulturang Mindanaoan, pagtatampok ng mga lokal na talento at pakikisalamuha sa mga lokal na tribo.
Hangad din ng programa na itama ang nosyon hinggil sa Mindanao at magpaalala sa mayaman na isla at katangi-tangi nitong kulturang taglay.
Sa pagsisimula ng pagtitipon sa Abreeza Mall nitong Huwebes, nagtanghal ng iba’t ibang sayaw ang 11 pangunahing tribo sa Davao City, kabilang ang– Ata, Iranun, Kagan, Klata-Guiangan, Maguindanaon, Maranao, Tausug, Tagabawa, Matigsalog, Ovu-Manuvo, at Sama.
Ayon kay Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy ng PCOO, na kumatawan kay Secretary Martin Andanar, katangi-tangi ang isla Mindanao sa ibang mga isla ng bansa, dahil hindi ito nasakop kaya naman nanatili ang kultura at hindi nahaluan ng dayuhang impluwensiya.
“This is the gift of Mindanao to the rest of the Philippines: that the rich and diverse culture of Mindanao reminds us of who we really are: peaceful when left in peace but fierce when provoked and that we will not allow ourselves to be slaves to anyone,” ani Badoy.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni PCOO Undersecretary Joel Egco na napapanahon ang pagdaraos ng “Kalinaw Kultura” para sa kasalukuyang panahon ng social media, at bilang isang malaking ‘equalizer’ sa pagpapakilala ng kultura.
Dagdag pa ni Egco, makatutulong ang gawain upang maitama ang negatibong persepsiyon sa Mindanao at Pilipinas, kasama ng pagbanggit sa “systematic negative reporting” hinggil sa bansa.
“This activity would aggressively promote Mindanao culture,” aniya.
Ayon naman kay Clavite, ang “Kalinaw Kultura” campaign ngayong taon ay simula pa lamang para sa “a better and brighter promotion of Mindanao culture with the support of all government agencies.”
“Now, we’re in the day and age of easy communication that lets us utilize to change the narrative of Mindanao,” saad pa ni Clavite.
Nangako naman si NCAA Executive Director Rico Pableo na ipagpapatuloy ang kahalintulad na proyekto na magsusulong at magpepreserba sa kultura at sining.
Ipinunto naman ni Pableo na ang kultura ay hindi lamang tungkol sa pagsasayaw, pag-awit at biswal na sining kundi “making our life transform into something significant and beautiful.”
Nagtapos naman ang dalawang-araw na pagtitipon sa isang pagbisita sa Kadayawan Village kung saan ipinakita ng 11 tribo ang kanilang kultura, mula sa pagluluto hanggang sa pagtatayo ng kanilang mga bahay.
PNA