Ni ROBERT R. REQUINTINA
HINDI lang gandang Pilipina ang ibinibida ngayon ng mga kandidata ng Pilipinas sa mga international pageants, ipinagmamalaki rin nila ang ganda ng Philippine fashion na ginamitan ng mga kakaibang disenyo at tela.
Isinuot ni Miss Universe Philippines Catriona Gray ang T’nalak dress, na disenyo niJearson Demavivas, sa isa sa mga pre-pageant events para sa Miss Universe 2018, na ginaganap ngayon sa Bangkok, Thailand.
Sa isa pang event, isinuot naman ng Bicolana beauty queen ang Kababayan Lahi denim jacket sa kanilang tour sa Siam Snail Eco Farm sa Bangkok. Isinuot rin niya ang skirt na may T'boli embroidery, likha ni Nino Franco.
Inirampa rin ni Gray ang white dress na gawa ni Noel Crisostomo, isang round Sampaguita bag ng Cali, at sapatos mula sa popular shoe designer na si Jojo Bragais.
Hindi naman nagpahuli si Jehza Huelar, na lumalaban para sa Miss Supranational 2018 pageant, na nagsuot ng Yakan dress ni Renee Salud.
“I love it that indigenous Philippine weaves (from Mindanao) get to be part of the wardrobe of two Misses Philippines currently competing abroad: Catriona Gray in Miss Universe, and Jehza Huelar in Miss Supranational,” pahayag ni Concon Sinel, pageant director.
“We, in Philippine Tapestry world tour, have been advocating for the global acceptance of these beautiful weaves. It is high time we see these fabrics grace the red carpet of the world's biggest events,” dagdag pa niya.
Matatandaang unang itinampok ang Mindanao Tapestry show sa 2016 Miss Universe beauty pageant na ginanap sa Pilipinas. Nasa 29 na kandidata ng Miss Universe 2016 ang rumampa suot ang neo-ethnic fashion ni Renee, at ng manghahabi ng Mindanao sa isang special show sa Davao City.