ISANG 15 taong gulang na estudyante mula sa Colegio San Agustin sa Makati City, na isa ring modelo, ang napili para maging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Teen International 2018 contest na gaganapin sa New Delhi, India, sa Disyembre 12-19.
Si Simone Nadine Bornilla, na siyang kasalukuyang Miss Philippine Youth, ay isang Grade 10 student sa Colegio San Agustin sa Makati City. Hilig ni Nadine ang pagkanta. Siya ay isang Senior Soprano 1 member ng prestihiyosong Augustinian Singers of Colegio San Agustin-Makati.
Sumailalim si Nadine sa summer training workshops sa Spotlight Artist Centre sa pamamahala ni Isay Alvarez. Nang siya ay 8 taong gulang, pumapasok din siya sa mga ballet classes sa Ballet Manila sa pangangasiwa ni Lisa Macuja.
Ang teen queen ay isang aspiring neurosurgeon na may adbokasiyang “quality healthcare as a right and not as priviledge.” Ang kanyang ama ay si Dr. Jumel Bornilla, who practices internal medicine.
Ika-25 taong anibersaryo ngayong taon, ang Miss Teen International ang oldest running beauty pageant para sa mga kabataang babae na edad 14 hanggang 19. Ito ay itinatag ni Enrique González.
Si Sofia Andersson ng Sweden ang unang nagwagi sa Miss Teen International noong 1993. Kinokonsidera bilang ang pinakamalaking teen pageant, inaasahang mahigit 35 kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa mundo ang lalahok sa paligsahan.
Ito rin ang naging stepping stone ng ilan sa mga pinakamatagumpay na beauty queens sa buong mundo.
Si Lynette Do Nascimento ang nagwagi sa Miss Teen International 2010. Siya rin ang kinoronahang Miss Aruba World 2016.
Kinoronahan naman si Adriana Paniagua ng Nicaragua bilang Miss Teen International 2011. At ngayon ay siya na ang kinatawan ng kanyang bansa sa 2018 Miss Universe contest.
Lumahok si Miss Teen International 2001 Yara Lasanta, ng Puerto Rico, sa Miss World 2010 at napabilang sa mga semi-finalists. Ngayon ay isa na siyang tanyag na journalist sa kanyang bansa.
Nanalo naman si Nazareth Cascante ng Costa Rica sa Miss Teen International 2009. Naging kinatawan siya ng kanyang bansa sa 2012 Miss Universe pageant.
Nagwagi rin si Lauryn Eagle, isang professional boxer mula sa Australia, sa Miss Teen International noong 2004.
Kinoronahan si Valerie Hernandez ng Puerto Rico bilang Miss Teen International 2012. Dalawang taon ang makalipas, siya naman ang itinanghal na Miss International.
Samantala, si Miss Teen International 2006 Mayra Matos naman ng Puerto Rico, ay nakasungkit ng 4th runner-up place sa Miss Universe 2009
-ROBERT REQUINTINA