UMUSAD sa kampeonato ang Creamline Cool Smashers matapos kumpletuhin ang semis sweep sa nakatunggaling Petro Gazz Angels, sa pamamagitan ng 21-25, 25-18, 25-21, 25-13, panalo nitong Sabado ng gabi sa Premier Volleyball League Open Conference sa FilOil Flying V Centre.
Mabagal muli ang panimula ng Creamline gaya noong Game One kaya maagang lumamang ang Angels at nakuha ang first set.
Mula doon, winalis ng Cool Smashers ang sumunod na tatlong frames upang makamit ang tagumpay at ipakita ang kanilang kahandaan sa Finals.
“We’re really thankful na naka-abot kami sa dulo. It’s really hard to close out a game talaga, we found out,” pahayag ni Creamline captain Alyssa Valdez na nagtapos na may 14 puntos. “It’s just a really good feeling getting back to the Finals. This was one of our goals talaga.”
Limang Cool Smashers ang tumapos na may double-digits kasama ni Valdez na kinabibilangan nina Jema Galanza, Michele Gumabao, at Pau Soriano na may tig-12 puntos, at Risa Sato na may 11 puntos.
Nanguna naman si Jonah Sabete para sa Angels sa itinala nitong 13 puntos.
Samantala, habang isinasara ang pahinang ito kahapon ay nagtutuos naman sa isang do-or-die game ang Ateneo-Motolite Lady Eagles at BanKo Perlas Spikers para sa huling finals berth.
Naipuwersa ng Lady Esgles ang Game 3 matapos nilang itabla ang serye sa pamamagitan ng 25-21, 25-20, 26-24 panalo noong Game 2.
-Marivic Awitan