Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa gun ban exemption, kaugnay ng ipatutupad na gun ban para sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maaari nang magtungo sa tanggapan ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (SBFSP) sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila ang mga nais makakuha ng Certificate of Authority, upang magkaroon ng exemption sa gun ban.
Disyembre 1 nang simulan ng Comelec ang pagtanggap ng aplikasyon, at magtatagal ito hanggang sa Mayo 29, 2019.
Ipaiiral ng Comelec ang gun ban sa election period, na magsisimula sa Enero 13, 2019 at magtatapos sa Hunyo 12, 2019.
Sa ilalim ng gun ban, mahigpit na ipagbabawal ang pagbibitbit at pagbibiyahe ng mga baril at iba pang uri ng nakamamatay na armas sa labas ng tahanan.
Ayon kay Jimenez, maliban kung may Certificate of Authority, lahat ng permit to carry firearms outside an individual’s residence (PTCFOR), o sa labas ng negosyo, ay mawawalan ng bisa.
-Mary Ann Santiago