ANG inaabangang pagsabak ni Regine Velasquez sa sa talent show hosting at ang pagbabalik-primetime ni Angel Locsin ang ilan sa malalaking balitang inihatid ng Family is Love Christmas Trade Event ng ABS-CBN noong Martes.
Pinasilip sa nasabing trade event ang star-studded na The General’s Daughter, kung saan gaganap na isang sundalo si Angel na mahihiwalay sa kanyang pamilya sa murang edad. Gagamitin siya ng mga kalaban ng kanyang pamilya para pabagsakin ang mga ito. Kasama rin sa teleserye ang mga batikang aktor na sina Albert Martinez, Eula Valdez, Janice de Belen, Tirso Cruz III, at Maricel Soriano.
Idol Philippines at World of Dance Philippines naman ang mga bagong reality talent shows ng ABS-CBN na hango sa mga popular na talent search shows sa ibang bansa. Ang mananalo sa World of Dance Philippines ay may pagkakataong makapag-audition sa World of Dance sa Estados Unidos. Kabilang sa line-up ng reality game shows and pagbabalik ng Minute to Win It: Last Man Standing at PBB Otso.
Hindi rin nagpahuli ang iWant, ang bagong streaming service ng ABS-CBN, sa pagpapakita ng kanilang mga programa gaya ng nag-viral na Glorious, at Spirits Reawaken. Ilan sa mga bagong mapapanood ang High, Project Feb 14, Story of My Life, The End, Commuters, Touch Screen, Find the Wasabi, at Jhon en Martian na pagbibidahan nina Arci Muñoz at Pepe Herera, at Everybody Loves Baby Wendy kasama si Alex Gonzaga.
Samantala, ipinakita rin ng ABS-CBN Films, na kinabibilangan ng Star Cinema at Black Sheep, ang kanilang mga pelikula sa darating na taon. Kasama rito ang Eerie nina Charo Santos-Concio at Bea Alonzo; Heart of Mine nina Richard Gutierrez, JM de Guzman, at Jennylyn Mercardo, Sakaling Maging Tayo, na unang pelikula ng McLisse; ang Open na pagbibidahan nina JC Santos at Arci Muñoz, Clarita ni Jodi Sta. Maria, at ang pelikula ng LizQuen sa direksyon ni Antoinette Jadaone.
Patuloy naman na gigisingin ng Kadenang Ginto at Los Bastardos ang mga hapon ng mga manonood sa Kapamilya Gold. Hindi naman mawawala sa Primetime Bida ang FPJ’s Ang Probinsyano, Halik, at Ngayon at Kailanman. Mapapabilang din sa primetime ang Mea Culpa ni Jodi, at Nang Ngumiti Ang Langit na pagbibidahan ng child star na si Sophia Reola