‘TILA mas gusto ni Aiko Melendez ang gumawa ng indie films kaysa mainstream.

Aiko lang po copy

“Kasi wala akong inhibitions, unlike when you’re doing a mainstream meron kang dapat sundin, unlike sa indie may freehand ka or free to do the artistic side mo,” paliwanag ng aktres nang makausap namin siya sa advance screening ng indie film na Tell Me Your Dreams, mula sa Goden Tiger Films, na idinirek ni Anthony Hernandez.

Pero may limitasyon si Aiko pagdating sa kissing scenes. “Sa edad kong 43, meron akong Andrei (Yllana) at Martina (Jickain), so medyo nakakailang kung mag-kissing kissing scene pa. So as much as possible, meron kasi akong ipo-produce na movie next year, so kung baka sakali, mga suggestive na lang.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa madaling salita, hindi kaya ni Aiko ang ginawa ni Angel Aquino sa digital film nito at ni Tony Labrusca na Glorious.

“Ibigay na natin ‘yun kay Angel, napanood ko ‘yun. Sabi ko sa sarili ko na si Angel lang ang may kaya no’n. And she’s done it in good taste, ang ganda. As always naman, I’m a friend of Angel, I’ve worked with her, she’s one of the finest actress that we have in the industry, so bagay talaga sa kanya ‘yung Glorious,” nakangiting sabi ni Aiko.

Going back to Tell Me Your Dreams, ginagampanan ni Aiko ang karakter na Mrs. Dacayan, isang maestra para sa mga katutubong nakatira sa malayong lugar na hindi makapag-aral.

“Makikita rito ‘yung dedication ko bilang guro, na ang dami kong pinagdaanan, ilang bundok at ilang ilog ang tinawid ko para lang makarating (sa community). It’s a true story pero hindi ko nakausap (mga taong involved) kasi confidential, pero sina Direk at staff niya, nakausap nila ‘yung mga tao,” say ng aktres.

Sa magandang bulubunduking lugar ng Tarlac kinunan ang movie, kung saan ipinakita ang napakahabang nilalakad paakyat, pababa, at ang patag na bundok, Mayroon ding mga ilog na napakalinaw kaya masasarapang maligo roon ang mga katutubong Aeta, bukod pa sa roon din naglalaba ang lahat.

Ang ganda ng lugar dahil puro punong luntian ang buong paligid, at ang pagtatanim sa matabang lupa ang ikinabubuhay ng mga matagal nang nakatira roon. Pawang yari sa pawid ang lahat ng bahay nila, at walang ospital, paaralan, tindahan at kapilya roon, kaya naman ang mga tao, kapag may sakit, ay 50-50 na ang tsansang mabuhay.

“Nag-immersion kami roon, sobrang ilog at bundok tinawid namin, walang kuryente at ako natutulog ako sa regular na kama at masaya ako dahil nakaya ko. Locked-in kami for 6 days. May mga part na walang signal ang cellphone doon, may parts na baba ka pa sa bandang ilog just to get a clear signal,” kuwento ni Aiko.

At para maturuan ang mga batang naroon ay nagpalagay si Aiko ng malaking pisara (blackboard) at mga bangkito na puwedeng upuan at sulatan.

Sa buong buhay showbiz ng aktres ay itong Tell Me Your Dreams ang pinakamahirap na pelikulang nagawa niya.

“In terms of physical and emotional, ito kasi makikita n’yo in the middle of the film kung anong mangyayari sa akin. So, ‘yung emotion, draining talaga, but after I watched the movie I can say that maganda ‘yung pelikulang nagawa namin ni Direk Anthony, hindi dahil kaparte ako. Siguro kapag napanood ko rin, ‘yung istorya itself, nakakaiyak talaga,” saad ng aktres.

Totoo ang sinabi ng aktres lalo dahil n a l a m a n naming true to life ito, at naalala n a m i n ang mga documentary film na napapanood namin sa telebisyon tungkol sa mga maestro na talagang buong buhay nila ay ibinuhos nila para turuan ang mga batang hindi nakakapag-aral dahil walang pangmatrikula, walang maisuot na uniporme, walang magamit na papel at lapis, at walang maisuot sa paa, kahit tsinelas man lang.

May eksenang hindi namin namalayan na tumulo na pala ang luha namin dahil sa batang babae na laging late dumating sa klase, na tumatakbo at pawisan. At dahil hindi pa alam ni Aiko ang dahilan kung bakit laging huling dumating ay pinaparusahan niya ang bata para magtanda; pinatatayo niya ito sa harap ng klase at may nakapatong na libro sa magkabilang braso.

Pero lagi pa ring nale-late ang bata sa klase, kaya inalam ni Aiko ang dahilan at pinuntahan niya ito sa bahay. Doon niya nalaman kung bakit laging huling dumadating na eskuwela ang bagets.

Kaya nang sumunod na pumasok nang late ang bata ay hindi na ito pinarusahan ni Aiko, at naiyak na lang siya.

Sa lighter side, tinanong ni Aiko ang mga bata kung ano ang mga pangarap nila sa buhay, at nalaman niya ang magagandang pangarap ng mga bata, tulad ng isa na gustong maging pulis, may gustong maging nurse, teacher, piloto, engineer at iba pa, para makatulong sa kababayan nila. May isa namang batang lalaki ang nagsabing pangarap niyang maging Miss Universe paglaki niya, kaya natawa si Aiko.

Inamin din ng aktres na pinangarap din niyang maging maestra, doktor at abogada, kaya naman gustung-gusto niya ang karakter niya sa Tell Me Your Dreams.

Samantala, noong Oktubre ay nagkaroon ng special screening sa Hoops Dome Arena sa Cebu ang Tell Me Your Dreams, na talagang jampacked ang venue, na umabot sa more or less 5,000 moviegoers ang naroon. Tuwang-tuwa si Aiko, lalo na at kasama niyang nagpunta sa event ang boyfriend niyang si incumbent Subic Mayor Jay Khonghun.

Ang Tell Me Your Dreams ay tribute sa mga guro at eksklusibong mapapanood sa 11 cinemas ng Starmall, na nasa EDSA Shaw, San Jose Del Monte, at Alabang. Meron din sa Vista Mall sa Daang Hari, Evia sa Alabang, Pampanga, Bataan, Taguig, Sta. Rosa, Laguna, Las Piñas, at Naga.

At kung hindi man ito maabutan sa mga sinehang nabanggit ay may special screening din ang pelikula para sa mga eskuwelahan, dahil may tie-up ang pelikula sa Department of Education.

Plano ring isali ni Direk Anthony ang Tell Me Your Dreams sa Orange Film Festival sa Antalya,Turkey sa 2019.

-REGGEE BONOAN