“MALIWANAG na nagagalak ang Pangulo sa paglikha ng alitan para alisin sa pansin ng mamamayan ang walang kakayahan ng kanyang gobyerno,” wika ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng public affairs committee ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Ito ay reaksiyon ng pari sa paghihimok ni Pangulong Duterte sa taumbayan na magtayo na lang sila ng chapel sa kanilang bahay sa halip na magtungo pa sila sa simbahan. “Hindi ako nakatitiyak kung iyong sinabi ng Pangulo ay ‘pastoral necessity’, pero iyong kanyang kamangmangan sa gawain ng Simbahan ay nagsasabi sa ating mga Katoliko na huwag tayong maniwala sa taong ito o kaya huwag nating seryosohin siya,” sabi ng pari. Ang simbahan, aniya, ay pinaglalagakan ng Eukaristiya na ito ay si Kristo sa porma ng tinapay na nirereserba sa tabernacle. Hindi raw dapat ilagay sa mga bahay dahil ang panganib na ito ay lapastanganin ay maaaring mangyari.
Kamakailan lamang, taong-simbahan mismo ang binatikos ng Pangulo. Inakusahan niya si Bishop Pablo David na nang-uumit ng mga donasyon sa Simbahan para sa kanyang pamilya. Mayroon umanong video para patunayan na kinukupit niya ang mga prutas na iniaalay sa misa. Sa kanyang talumpati sa Davao City, sinabi ng Pangulo: “David nagsisimula na akong maghinala kung bakit ka lumalabas sa gabi. Marahil ay nasa droga ka.” Nagbabala siya na may isang bishop na puputulan niya ng ulo kapag ito ay sangkot sa droga.
Si Bishop Pablo David, na tinatawag na Bishop Ambo ng kanyang parishioners ng Diocese ng Caloocan, ay nagsabing “killing field” ang kanyang nasasakupang Caloocan, Malabon at Navotas sa war on drugs ng Pangulo. Napakalakas ng kanyang boses sa pagkondena sa mga extrajudicial killing na naganap sa kanyang lugar. Bilang mabuting pastol, pinangangalagaan niya ang kapakanan at kaligtasan ng kanyang mamamayan. Nakikidalamhati siya sa mga namamatayan lalo na sa mga kamag-anak na labis ang pagdaramdam dahil alam nila na walang kasalanan ang napatay at mga biktima lang ng kalupitan at kawalan ng katarungan. Katuwang ang mga local government units ng tatlong siyudad, pinamunuan niya ang programa na nagpapagaling sa mga lango sa droga at pagpapaaral sa mga batang naulila.
Ito si Bishop Ambo, na inilarawan ng hindi maganda ng Pangulo upang alisin sa mata ng bayan ang karahasan at kalupitan ng kanyang war on drugs na pinaiiral sa nasasakupan ng Bishop. Marami nang buhay ang ibinuwis ng sambayanan sa programang ito ng Pangulo para malipol lang ang droga. Pero, buhay ang nalilipol sa pagbawi ng mga drogang ikinalat sa bansa na pumasok o pinapasok mismo sa pantalan o paliparan.
-Ric Valmonte