Nagalak ang mga kaibigan, kaklase, kapit-bahay at mga kaanak ng napatay na si Kian Delos Santos, 17, sa hatol ng korte laban sa tatlong suspek na pulis-Caloocan.

Masaya sa nakamit na hustisya para kay Kian ang mga kaklase niya, na ngayon ay Grade 12 na, sa Our Lady Lourdes College sa Barangay Gen. T. de Lon, Valenzuela City.

Napaluha rin sa saya ang mga kapitbahay ni Kian sa Bgy. 160, Libis Baesa, Caloocan City.

At ang pinakamasaya para kay Kian ay si Romulo Rodero, amahin ni Kian, na napasigaw sa tuwa nang marinig niya ang salitang “guilty” habang pinanonood sa telebisyon ang hatol.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Nitong Huwebes, hinatulan ni Judge Azusena sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremy Pereda at PO1 Jerwin Cruz, dating nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 7 ng Caloocan Police, ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo sa kasong murder.

Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang talong pulis ng P100,000 civil indemnity, P100,000 moral damages, P45,000 actual damages at P100,000 exemplary damages na may interest na 6:0% per annum mula sa pinal na desisyon hanggang sa mabayaran.

Absuwelto naman ang mga suspek sa kasong planting of evidence.

Samantala, iginiit ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda-Acosta na umusad ang justice system sa kaso ng binatilyo.

“Alam mo ang extrajudicial killings, panahon pa ng Kastila ‘yan eh. Talagang may mga pumapatay na law enforcers na hindi ayon sa batas. Walang reasonable force, ang tanong state-sponsored ba ‘yan? O kino-condone ba ‘yan o tino-tolerate? Dito sa kasong ito, kitang-kita natin may ngipin ang batas at hindi kukunsintihin ng gobyerno,” sabi ni Acosta sa isang panayam.

-Orly L. Barcala at Jun Fabon