Patay ang isang pulis makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa tapat ng bahay nito sa Barangay Caniogan, Pasig City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Bernabe Balba ang biktima na si PO2 Manuel Melendrez III, 48, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP), at residente ng Melendrez Compound, Bgy. Caniogan.

Sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang pamamaril sa tapat ng bahay ng biktima, dakong 11:45 ng gabi.

Kauuwi lamang umano ni Melendrez at ng kanyang maybahay, si Shirley, mula sa Pasig Market, sakay sa itim na van.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ayon kay Shirley, naunang bumaba ang asawa upang buksan ang pinto ng kanilang bahay at sumunod nito ay nakarinig na lamang siya ng sunud-sunod na putok ng baril.

Bumaba sa sasakyan si Shirley at nakitang duguan ang kanyang mister at humingi ng tulong.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4, sa pangunguna ni PO2 Rolando Jose, at isinugod sa ospital ang biktima, ngunit dead on arrival.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-Mary Ann Santiago