May forever sa BALITA —ang tuluy-tuloy na pagkakaroon ng bunso.

Kapag bagong sali ka sa mga kawani ng patnugutan ng pahayagang ito, default nang ikaw ang tatawaging bunso ng lahat.

Dahil sa BALITA, pamilya ang turingan at hindi lang sa loob ng tanggapan ganito kundi maging ang turing sa mga mambabasa.

Pinagtatakhan ng marami ang longevity ng BALITA, pero ito ang bukas na lihim—patuloy na nararamdaman ng mga mambabasa ang tradisyunal na pamilya sa bawat kopya nito.

'Di wag kang manood!' Anne Curtis tinalakan basher ng bagong movie niya

Minsan din akong naging bunso, noong ilipat ako ng management mula sa editoryal ng Liwayway magazine para hawakan ang entertainment section ng diyaryo.

Marami ang mga sumunod na naging bunso habang naglilingkod ako hanggang sa ako na ang maging lolo at sa pagreretiro noong Mayo ng taong ito.

Sa panahon ng pagiging bunso hanggang sa huling araw ko sa editorial office, marami akong natutuhan sa paglilingkod sa mga mambabasa ng BALITA.

Ang pinakatampok kong nagawa sa pahayagan ay ang pagkakabuo ng Reader’s Corner na ang mga mambabasa mismo ang humiling upang buuin. Nang lumabas ang cellular phone at mauso ang text messaging, kusang nabuo ang Reader’s Corner. Ni wala pa sa hinagap ng lahat ang social media, nagkaroon na nito ang BALITA.

Sa pahayagang ito rin ako nakaranas gawaran ng mga parangal sa pagsusulat at bilang editor. Hindi ako sumasali sa paligsahan ng pagsusulat, sa paniniwalang hindi ito nakatutulong bagkus ay nakakasisira sa paglago ng manunulat (dahil maniniwala kang mahusay ka, kahit hindi naman talaga). Pero hindi ko nagawang tanggihan ang awards sa pagsusulat ko sa BALITA. Dahil ang mga iyon ay alay ko sa mga mambabasa at mga kasamahan sa kumpanya.

Hindi magiging maayos ang aking panulat kung wala akong hinahabol na mataas na standard ng mga mambabasa at mga kasamahan sa trabaho.

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang pagbubuo namin ng pinakamataas na pamantayan ng pamamahayag. Sa ganitong paraan lamang namin maipakikita at maipararamdam ang mataas naming pagpapahalaga sa mga mambabasa at sa sambayanang Pilipino sa kabuuan.

-DINDO BALARES (Entertainment Editor, 1993-2018; kolumnista