HINDI na mabilang sa mga kamay ang naging tagumpay ni Meggie Ochoa sa larangan ng mixed martial arts at Ju-Jitsu. Ngunit, ang pinakabagong parangal na nakamit ay sadyang kakaiba para sa 28-anyos na fighter.
Tinanghal na unang Asian athlete si Ochoa na nagwagi ng gintong medalya sa Ju-Jitsu Internal Federation (JJIF) World Championships kamakailan sa Malmo, Sweden.
Ginapi niya si Ni Ni Vicky Hoang ng Vietnam, 2-0, sa championship match. Aniya, hindi higit pa sa kanyang inaasahan ang kaganapan.
“Sa totoo lang sobrang di ko inaasahan. Alam ni coach Hansel (Co) na the entire year kasi I’ve been putting so much pressure on myself. For this particular world championship, alam ni coach Hansel na I just wanna focus on number one: finding God. Ni-remind niya ko kung bakit ko to ginagawa. Na parang just the joy of doing Jiu Jitsu, that’s what he put me here for,” pahayag ni Ochoa sa panayam ng Manila Bulletin On-Line.
Hindi madali ang kampanya ng Pinay star na naunang nagwagi kina Morgane Houx ng France 4-0, Anna Augustyn-Mitkowska ng Poland 2-0 ay Laetitia Boes ng France sa semifinals.
Sa ikatlong laban, nanindigan si Ochoa para maisalba ang laban.
“Medyo pagod na ko from the previous match pero naka-recover. Ina-attempt ko siyang baliktarin, di ko siya mabaliktad. Tapos bigla na lang I came to a position na may ginawa akong never ko pang nagawa before. Na-knee bar ko siya. Na-submit ko siya nung na-extend ko yung tuhod,” aniya.
Maging siya ay hindi makapaniwala na magagawa niya ang naturang panalo na aniya’y may tulong sa Poong Maykapal.
“Parang what? Pano ko yun nagawa? Coach ginagawa ko ba yon? Bigla lang siyang lumabas and I think it’s really God’s hand at work. Sumigaw pa siya kasi parang mabilis ko atang nagawa,” aniya.
Ang tagumpay ay nagdagdag sa mga achievement niya sa sports. Nagwagi siya ng bronze medal sa 2018 Asian Games bago nakaginto sa Grand Slam Jiu-Jitsu World Tournament nitong Marso.
Kumpiyansa siya na may paglalagyan ang mga karibal sa kanyang pagsalang sa 2019 SEA Games kung saan lalaruin ang sports sa unang pagkakataon sa biennial meet matapos aprubahan ng Southeast Asian Games Federation Council.
“Excited talaga ako kasi dito sa Pilipinas gagawin yung SEA Games. Sa totoo lang, matagal na kong di lumalaban sa Pilipinas kasi siyempre lupa mo yan eh. Sariling bayan mo yung pinaglalaban,” pahayag ni Ochoa.
Handa rin siyang sumagupa sa qualifying event para sa 2020 Tokyo Olympics.
“Olympics wala pa so far pero wino-work out na siya ng IF (International Federation) to bring Jiu Jitsu to the Olympics. 2020 wala pa, 2024 I can’t say right now pero I hope meron na,” aniya.
-BRIAN YALUNG