SA aking 52 taon sa pamamahayag, nanatiling nakakintal sa aking utak ang katotohanan na ang mga asuntong libelo ay mistulang kakambal ng peryodismo.
Bilang dating Editor-in-Chief ng pahayagang ito na nagdiriwang ng ika-47 anibersaryo, hindi iilang libel case ang isinampa laban sa akin – mga kaso na batay sa mga istorya na isinulat ng ating mga reporter at kolumnista; mga paninirang-puri na matagumpay namang naipagtanggol ng ating mga abogado na kinabibilangan ng ating kapuwa manunulat na si Atty. Ric Valmonte.
Ang naturang mapanghamong mga karanasan ay bahagi na ng ating buhay bilang mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Katunayan, isa pang kasong libelo ang hindi pa nalalapatan ng final judgement – dahilan kung bakit ako ay nakapiyansa pa hanggang ngayon.
Hindi ito balakid sa ating misyon kaugnay ng pangangalap, pagpapalaganap at paglalathala ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan.
Bagkus, marapat na paigtingin natin – at ng kasalukuyang henerasyon ng media practitioners – ang pangangalaga at pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag o press freedom. At sikapin natin na laging nakasandal sa itinuturing na bibliya ng mga mamamahayag – ang Journalists’ Code of Ethics.
Maligayang anibersaryo sa ating pahayagan!
-CELO LAGMAY (Editor-in-Chief, 1986-1994, 1998-2005; kolumnista)