SA paglalathala ng pinakamaiinit na balita at komentaryong nakasandig sa katotohanan at sa tiwala ng mga mambabasa nito sa nakalipas na halos kalahating siglo, walang duda na pinakamatandang Filipino tabloid nga sa bansa ang BALITA, na nagdiriwang ng ika-47 anibersaryo nito ngayong araw.
Sa nakalipas na 47 taon, buong tapat at pagpupursige na tinutupad ng pamunuan, mga editor, mga kawani, mga correspondent, mga kolumnista, mga manunulat, at iba pang contributor ng BALITA ang kani-kanilang tungkulin upang maihatid sa mga mambabasa ang mga balita at iba pang impormasyon na mahalagang inyong malaman.
Buong giting na sinasabaka ng mga abang lingkod ng pahayagan ninyong ito ang sari-saring hirap, problema, pagsubok, at sakripisyo—at sama-sama ring nagdiriwang sa mga panahon ng tagumpay—upang matiyak ang kalidad ng bawat pahina ng pahayagan na araw-araw ninyong binubuklat.
At bilang pagbibigay-pugay ng kasalukuyang pamunuan sa mga tradisyon at pamanang isinalin sa amin ng mga maalamat na personalidad na naglingkod at patuloy na naglilingkod sa BALITA, kinalap namin ang mga hindi malilimutang kuwento ng ilan sa mga haligi ng ating pahayagan. Mga kuwentong maitutulad sa mga piraso ng jigsaw puzzle na pinagsama-sama at pinagdikit-dikit upang makabuo ng isa na ngayong institusyon sa pamamahayag makalipas ang 47 taon.