NAKAUWI na sa kani-kanilang bansa ang mga beauty queens mula Canada, Guam at England, ngunit mananatili sa kanila ang masamang alaala sa kanilang paglahok sa ginanap na Miss Earth beauty pageant sa Maynila, kamakailan.
Sentro ng kontrobersiya sa patimpalak sina Jaime Yvonne VandenBerg ng Canada, Abbey Anne Gyles-Brown ng England, at Emma Mae Sheedy ng Guam matapos na dumulog sa social media—Instagram, Twitter, at Facebook—upang ihayag ang kanilang sama ng loob sa tagapamahala at ang reklamo laban sa isang Pilipinong negosyante na kinilala nilang bilang isang pageant sponsor, sa umano’y sexual harassment sa tatlong kandidata.
Idinagdag ng mga dalaga ang hashtag na #MeToo sa kanilang post. Ang #MeToo ay isang kampanya ng American activist na si Tarana Burke noong 2006 para sa kababaihan upang maibahagi ng mga ito ang kanilang mga istorya ng rape, sexual assault at harassment sa pamamagitan ng social media. Nakatanggap ng matinding suporta ang kampanya sa Hollywood, sa pagsisiwalat ng maraming tanyag na mga aktres kung paano ginagamit ng mga kilalang producer, direktor at iba pang ‘film moguls’ ang kanilang kapangyarihan sa kababaihang nagnanais na makapasok sa Hollywood.
Sa paglutang ng insidente sa Miss Earth, naging tampok ang Pilipinas ng pandaigdigang hakbang na naglalayong wakasan ang pang-aabuso sa kasarian sa lipunan, hindi lamang sa industriya ng pelikula gayundin sa mga pananalapi, sa mga paaralan, sa sports, sa pamahalaan, sa militar, sa media, at maging sa simbahan.
Hinihikayat natin na mas mahigpit na hakbang ang ipatupad ng mga tagapamahala sa lahat ng mga patimpalak at sa Department of Tourism o anumang angkop na ahensiya ng pamahalaan na dapat na magbantay at mamahala sa mga ganitong pageant upang maiwasan na ang anumang akto ng karahasan sa mga kandidata, tulad ng naranasan ng tatlong beauty queen.
Tunay na hindi maganda ang kanilang naging karanasan sa Pilipinas. Ipinapakita nito kung paano natin tinatrato ang kababaihan sa bansang ito. At hindi ganito ang pagtrato natin sa ating mga bisita.
Nagpapadala rin tayo ng maraming Pilipina upang makipagpalisahan sa mga internasyunal na kumpetisyon sa ibang bansa at marami sa mga ito ang napagwagian natin. Hindi natin gugustuhin na tratuhin sila sa paraan kung paano tinrato ang mga naging bisita natin mula Canda, England at Guam, kamakailan.