SA kalendaryo ng kasaysayan ng Pilipinas at ng ating mga bayani, ang ika-30 ng Nobyembre ay mahalagang araw. Non-working holiday o walang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan at maging sa mga paaralan, pabrika at ilang pribadong opisina. Paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa ating mga bayani – si Gat Andres Bonifacio – ang Ama ng Katipunan. Dakilang proletaryo, pinakadakilang anak ng Maynila at bayaning dangal ng lahing Pilipino.
Naging sentro ng pagdiriwang ng kaarawan ni Andres Bonifacio ay ang Lungsod ng Caloocan, na naroon ang kanyang bantayog. Naging panauhing pandangal si Pangulong Duterte. Ngayong 2018, ang tema ng pagdiriwang ay “Bonifacio 2018: Tapang, Sakripisyo, Pagbabago.” Isa sa mga bahagi ng pagdiriwang ay ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Bonifacio.
Sa Rizal noong panahon ng Himagsikan, napakaraming sumapi sa Katipunan ni Bonifacio, na nakipaglaban sa mga Kastila. Sa Rizal din, sa Pamitinan Cave sa Montalban, Rodriguez, binuo ang mga plano sa Himagsikan, ang sentro ng pagdiriwang ng kaarawan ni Bonifacio ay sa Cainta. Tampok ang makulay, masaya at makahulugang parada. Ang selebrasyon ay pagdiriwang din ng kapistahan ni San Andres, ang patron saint ng Cainta. At nitong unang araw ng Disyembre ay pagdiriwang naman ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Kaliwanagan.
Sa talaan ng ating mga bayani, kilala si Bonifacio sa pagiging matatag, may kapangahasan at katapangan. Matapat si Bonifacio sa kanyang paniniwala at paraan ng pagbabago. Sa kanyang panahon, inilunsad ang himagsikan upang maputol ang pang-aapi at pambubusabos ng mga Kastila. Ang maalab na pagmamahal ni Bonifacio sa Pilipinas ang nagsilbing ningas at ilaw upang itatag ang KATIPUNAN, na naging dakilang pamana sa kasaysayan. Lumagot sa mahigit 300 taong pananakop ng mga Kastila nang ihasik ang binhi ng Kristiyanismo sa bansa.
Katulad ng iba nating mga bayani, si Bonifacio ay may pagkukulang din at kapintasan. Sa kanyang biglaang pagkilos, napansin ang kanyang kahinaan. Ngunit sa kanyang kahinaan, naroon ang wagas na pag-ibig niya sa bayan at mga kababayan. At higit sa lahat, ang kanyang daterminasyon at hangarin na makamit ang kalayaan ng Pilipinas. Ganap na malaya at makatayo sa sarili.
Sa pagiging manunulat ni Bonifacio, maraming mahalaga at makabuluhang mensahe na napapanahon pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon. Mababanggit na halimbawa ang kanyang pagmamahal sa bayan. Nasa bahagi ito ng kanyang tulang ‘Pag-ibig sa Tinuuang Lupa.’ Sa nasabing tula, sinabi ni Andres Bonifacio: “Alin pag-ibig pa ang hihigit kaya kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa?”
Hindi rin malilimot ang sinabi ni Bonifacio tungkol sa paghahanapbuhay: “Ang sipag sa paggawa na iyong ikinabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa bawat mga anak, sa iyong kapatid at mga kababayan.”
Mahirap din malimot si Bonifacio sa pagiging magalang sa kababaihan. Sa kanyang pahayag, sinabi ni Andres Bonifacio: “Ang babae ay huwag ituring na isang bagay na libangan kundi isang katuwang sa mga kahirapan nitong buhay. Igalang ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagmulan at nag-alaga sa iyong kasanggulan.”
Sa ating makabagong panahon, ang pananaw at paggalang sa kababaihan ni Bonifacio ay mabibilang sa daliri ng kamay at paa ang mga lalaking may paggalang sa kababaihan. Karaniwang nangyayari, kapag lumobo na tiyan o nabuntis ang babae, maraming lalaki ay gustong takasan ang kanilang pananagutan. Ayaw pakasalan ang nabuntis. Dahil dito, nag-iisa sa pagdurusa ang babaeng lumobo ang tiyan. Walang magawa kundi ang lumuha. Mag-isang nag-labor, umire at nanganak sa ospital.
Masasabing isang dakilang halimbawa si Bonifacio ng pagiging makabayan. Taglay niya ang paninindigan at determinasyon na magkaroon ng kalayaan ang Pilipinas.
-Clemen Bautista