WALANG pagsisidlan ang kasiyahan nang kahit sinumang magulang sa maliit o malaki mang karangalan na iuuwi ng kanilang mga anak.

Ganito ang nararamdaman ngayon ng mga magulang ng batang gymnast na si Carlos Edriel Yulo, matapos ang sunud-sunod na karangalan na sinungkit niya sa ilang serye ng World Cup.

Nasungkit ng 18-anyos na si Caloy, kung tawagin ng kanyang mga kaanak at kaibigan, ang kanyang ikalimang medalya sa serye ng World Cup, matapos itong makakuha ng bronze medal sa 43rd Turnier Der Meister FIG Individual Apparatus World Cup na ginanap sa Cottbus Germany sa floor exercise event, noong nakaraang linggo.

Ito ay kasunod ng kanya ring pagkuha ng bronze medal sa katatapos na 2018 FIG Artistic Gymanstics World Championships na ginanap sa Doha Qatar.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nauna rito, nakopo niya silver medal sa vault exercise sa World Cup series din na ginanap naman sa Australia at bronze din ang kanyang nakuha sa kasunod na serye sa Doha Qatar, bukod pa sa bronze na kanyang ibinulsa buhat sa Baku ,Azebaijan.

Hindi man nakasungkit ng medalya sa nakaraang Asian Games na ginanap sa Indonesia, nabawi naman ito ni Caloy sa kanyang mga naiuwing karangalan buhat sa mga serye ng World Cup.

Nagsimula ang batang Leveriza na si Yulo namagpakitang gilas sa larangang ng gymnastics noong siya ay walong taong gulang pa lamang kung saan nabighani sa kanya ang pamunuan ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa pamumuno ni Cynthia Carrion, dahil sa angkin niyang galing.

Kasunod nito ay nagsimula nang humakot ng karangalan ni Caloy buhat sa mga kompetisyon na Batang Pinoy, Palarong Pambansa at Philippine National games (PNG).

Kasalukuyang nasa Tokyo Japan si Caloy at duon ay nag-aaral at nagsasanay sa ilalim ng pamamahala ng kanyang Japanese coach.

Isang masayahing bata, mapagbigay at mabait na anak kung ilarawan ng kanyang ina na si Angelica si Caloy.

“Malambing na anak at very down to earth, may sumpong lang minsan pero very generous,” masayang kwento ni Angelica tungkol sa anak na si Caloy. “Sana lang mag-iingat siya palagi. Huwag makaklimot sa Diyos. Mag-aral maige at nandito lang kami na pamilya niya para suportahan siya sa lahat ng pangarap niya. Sana makamit na niya nag ultimate goal niya.”

Nakatakdang bumalik ng bansa si Caloy para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon kapiling ng kanyang pamilya.

-Annie Abad