Kahit suspendido ng California State Athletic Commission sa United States at Japan Boxing Commission sa paggamit ng performance enhancing drugs (PEDs), kakasa pa rin si dating WBC bantamweight champion Luis Nery sa Pilipinong si Renoel Pael sa Disyembre 1 sa La Arena Pavillon del Norte sa Saltillo, Coahuila, Mexico.
Itataguyod ng kanyang promoter na Zanfer, ito ang ikatlong laban ni Nery ngayong 2018 makaraang patulugin si Shinsuke Yamanaka sa 2nd round sa Kokukigan, Japan noong nakaraang Marso 1 pero nawalan ng WBC bantamweight title nang mag-overweight.
Pinatulog din ni Nery ang Pilipinong si Jason Canoy sa 3rd round noong Oktubre 6, 2018 sa kanyang teritoryo sa Tijuana, Mexico sa sagupaan para sa bakanteng WBC Silver bantamweight crown.
Itataya ni Nery ang kanyang WBC Silver bantamweight title kay Pael na galing sa dalawang sunod na panalo sa mga kababayang sina Royder Lloyd Borbon via 8-round split decision at Anthony Galigao via 2nd round knockout.
May kartada si Nery na perpektong 27 panalo, 21 sa pamamagitan ng knockouts samantalang si Pael ay may rekord na 23-8-1 na may 12 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña