Hiniling kahapon ng Makabayan opposition bloc sa Kamara ang agarang pagpapalaya kina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, na inaresto ng militar at pulisya nitong Miyerkules at nakapiit ngayon sa presinto ng Talaingod, Davao del Norte, dahil sa alegasyon ng child trafficking.

Sa press conference, binatikos nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Gabriela Rep. Arlene Brosas ang pagkakakulong kina Castro at Ocampo, na kasama ang 71 social worker, magsasaka at community leaders, ay inaresto ng mga tauhan ng Talaingod Police at ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Gaya ng iba pang lalawigan sa Mindanao, saklaw ng martial law ang Davao del Norte, kaya uubra ang pagdakip nang walang warrant.

Nakiisa sa oposisyon si Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa pagkondena sa ilegal na pagdakip at paglabag sa karapatang pantao nina Ocampo at Castro, kasama ang 71 iba pa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, nagsasagawa ng solidarity mission ang grupo ni Ocampo bilang suporta sa mga estudyante at guro ng isang paaralang Lumad, na sapilitan umanong ipinasara ng 56th Infantry Battlion.

Sinabi ni Tinio na ang convoy ng nagsagawa ng mission ay “attacked by men believed to be members of the paramilitary group known as Alamara.”

“Tires of some of their vehicles were spiked, the windshield of the van ridden by Rep. Castro and Ka Satur was broken, and gunshots were fired in their vicinity,” sabi ni Tinio.

Nang magreklamo ang grupo ni Ocampo sa pulisya, inaresto sila ng mga ito at dinala sa presinto sa Talaingod. Inihahanda na umano ang mga kaso ng child trafficking laban sa mga inaresto.

Kinumpirma naman ni Capt. ErickWynmdr F. Calulot, public information officer ng 1003rd Brigade, na sakay sa convoy ng limang van nina Ocampo ang 14 na menor de edad na nagmula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, karamihan ay taga- Talaingod.

-BEN R. ROSARIO at FRANCIS T. WAKEFIELD