LIMANG taon pagkalipas niyang magtapos sa kolehiyo kung saan dalawang beses na naging MVP, sa wakas ay nagdesisyon na ring sumampa sa PBA si Bobby Ray Parks.

Pormal na nagsumite ng kanyang aplikasyon para sa 2018 Draft ang 25-anyos na anak ng dating PBA Best Import na si Bobby Parks nitong Huwebes.

Bagama’t mahahanay sa mga baguhan, hindi na maituturing na rookie si Parks kung karanasan din lamang ang pag-uusapan.

Bukod sa pagiging 2-time UAAP Most Valuable Player, nagwagi rin si Parks ng PBA D-League MVP award noong 2015.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naging malawak din ang kanyang karanasan sa ginawa nyang pakikipagsapalaran upang makapasok sa NBA sa pamamagitan ng paglalaro niya sa D-League squad na Texas Legends.

Taong 2016 nang bumalik siya ng bansa at naglaro para sa Alab Pilipinas sa Asean Basketball League kung saan dalawang beses din siyang nagwagi bilang local MVP.

Bukod dito, nakatatlong beses din siyang naglaro para sa national team at nagwagi ng 3 gold medals sa Southeast Asian Games.

-Marivic Awitan