DAVAO CITY – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang pulis, na umano’y sangkot sa ilegal na droga, matapos na masamsam ng umano’y shabu at granada sa kanyang sports utility vehicle (SUV) sa Mati City, Davao Oriental, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Davao Oriental Police Provincial Office - Police Community Relations (DOPPO -PCR) chief Supt. Ariel Nueva ang suspek na si PO2 Luis Gabrinao, Jr., nakatalaga sa Island Garden City of Samal (IGACOS) Police Station.

Si Gabrinao ay nakilala sa pamamagitan ng pasaporte, na naiwan niya sa kanyang sasakyan.

Nauna nang namataan ng mga pulis ang SUV ni Gabrinao, na ginagamitan ng pekeng plaka (PKD-634), sa Oplan Davao Oriental Kalinaw sa Rizal Street, Barangay Central sa nasabing lungsod, bandang 3:30 ng hapon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nang sundan ng mga awtoridad, agad na pinaharurot ni Gabrinao ang kanyang sasakyan.

Nang makarating sa Lawaan St., agad na bumaba si Gabrinao sa sasakyan at tumakas.

Sa pagsilip ng mga pulis sa sasakyan ni Gabrinao, nasamsam ang hindi pa madeterminang halaga ng shabu, granada, drug paraphernalia, at electronic pocket weighing scale.

Nobyembre 2014, sinibak sa puwesto si Gabrinao dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Si Gabrinao ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 9516 (Unlawful Manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of an Explosive or Incendiary Device).

-Armando B. Fenequito, Jr