SUMUMPA na sa tungkulin sa Justice Lucas Bersamin bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Hinirang siya ni Pangulong Duterte sa kabila ng kanyang publikong pahayag na kaya niya hinirang ang pinalitan ni Bersamin na si dating Chief Justice Teresita Leonardo - De Castro ay dahil ito ang pinaka-senior sa mga mahistrado noon.
Kaya naman naging ganito ang sitwasyon dahil tinanggihan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, na siya talagang pinakasenior sa mga mahistrado, ang nominasyon nang patalsikin ng mayorya si Chief Justice Lourdes Sereno sa paraang quo-warranto. Ayon sa Pangulo, hinirang niya si De Castro bilang pagsunod sa tradisyon sa Supreme Court na ang pinaka-senior ang siyang hahalili sa nagretirong Chief Justice. Pero, sa paghirang ng Pangulo kay Bersamin, nilaktawan niya ang dalawang mas senior dito, sina Carpio, na tinanggap ang nominasyon kaya siya nasa short list, at si Senior Associate Justice Diosdado Peralta.
Bago ito, ipinarating nina National Democratic Front (NDF) consultant Fidel Agcaoili at Luis Jolandoni sa Pangulo ang pagnanais nilang makausap ang Presidente upang makumbinsi itong ipagpatuloy ng gobyerno ang pinutol nitong usapang pangkapayapaan. Pumayag naman daw siya. Sinabi ni Jose Ma. Sison, isa ring consultant ng NDF, na hindi siya panatag sa gagawin nina Agcaoili at Jolandoni dahil walang kasiguruhan na hindi sila aarestuhin kapag pumasok sila ng bansa. Pero, dahil, aniya, pumayag ang Pangulo na haharapin niya ang dalawa sa Malacañang, tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi dadakpin ang mga ito. Wala naman daw silang warrant of arrest. Hindi nagtuloy ang dalawa dahil, anila, walang katiyakan na sila ay hindi huhulihin.
Hinala nila na magtatalusira ang Pangulo. Bahagi na sila ng plano nitong magdeklara ng martial law sa buong bansa. Hindi kasi nagtagal ay nagdeklara na siya ng “full scale war” laban sa grupo nina Agcaoili at Jalandoni. Nagbanta na siya na lilikha siya ng sariling hit squad para patayin ang mga komunistang rebelde at mga taong nais sumama sa mga ito laban sa gobyerno. “Gagawa ako ng sarili kong Sparrow. Wala silang gagawin kundi ang maghanap ng mga nagbabalak na sumapi sa New People’s Army at likidahin sila. Ok na sa akin ang makapatay sila ng isa o dalawang rebelde. Papantayan ko ang kanilang kakayahang pumatay ng mga tao,” wika ng Pangulo. Ang Sparrow na tinutukoy ng Pangulo ay ang grupo ng mga rebeldeng sumikat noon sa pagpaslang sa kanilang mga tinutudlang taong gobyerno sa kalunsuran. Nagbabala siya sa pagbabalik ng NPA hit squad. “Hindi ako magdedeklara ng martial law. May sapat na kapangyarihan ang panguluhan na aking magagamit. Pero, kung magiging malawakan ang karahasan, maaari,” sabi pa ng Pangulo. Paniniwalaan mo pa ba ang Pangulo na hindi ito magpapataw ng batas militar sa buong bansa? Marami nang beses na nagtalusira ang Pangulo. Ang huli nga ay iyong hindi niya tinupad ang kanyang pangako na igagalang niya ang tradisyon sa SC. Sa pagpapakalat niya ng mga sundalo at pulis sa Bicol, Samar at Negros Island at paglikha niya ng kanyang sariling Death Squad, tulad ng umano ay ginawa niya sa Davao nang siya ay alkalde, hindi maiiwasan na magiging malawakan ang karahasan. Gagamiting niyang dahilan ang ginamit ni dating Pangulong Marcos nang magdeklara ito ng martial law at pagmalupitan ang taumbayan: Sasagipin ang republika sa banta ng komunista.
-Ric Valmonte