Walang utos sa pulisya na patayin ang pamilya Parojinog.

Ito ang paglilinaw ng Malacañang kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na ibalik sa Ozamiz City si Supt. Jovie Espenido upang malutas ang problema sa droga sa siyudad.

Ito ang naging paglilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil sa hayagang pagbabanta ni Duterte sa pamilya Parojinog nitong Miyerkules na uubusin umano ang pamilya kung hindi pa rin titigil sa pagbabanta sa mga testigo laban sa mga ito.

“Kanang pamilyaha na Parojinog, undang na mo’g panghadlok (Kayong pamilya Parojinog, tigilan n’yo na ang pagbabanta sa mga tao). I will wipe you from the face of the Earth. Ingnan ta mo. Tilukon ta gyud mo diri (Sinasabi ko sa inyo. Uubusin ko kayong lahat),” sinabi ni Duterte.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Paliwanag ni Panelo, maaari lang mapatay ang pamilya Parojinog kung lalaban ang mga ito sa mga pulis.

“Killing will only come if they resist arrest, if they do violence to those who are enforcing the law. This is very clear every time the President says that. It means he will pursue to the ends of the Earth these criminals until they are behind bars,” ani Panelo.

Ipinagtanggol din ni Panelo ang presidente at sinabing tinutupad lang nito ang mandatong protektahan ang mamamayan ng bansa.

Matatandaang napatay sa pulis raid sa kanyang bahay si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Jr. at 14 iba pa, noong Hulyo ng nakaraang taon, sa operasyong pinangunahan ni Espenido.

-Argyll Cyrus B. Geducos