ITINATAG ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong 1946 para sa layuning pangalagaan ang buhay ng mga bata na nagsisikap na malampasan ang pinsalang idinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Labing-pitong taon na ang nakalilipas at hanggang ngayon patuloy na isinasabuhay ng UNICEF ang misyon nitong matulungan ang mga bata sa buong daigdig, kabilang ang Pilipinas na nagdiriwang ng UNICEF Month ngayong Nobyembre, 2018.
Noong 1990, niratipika ng Pilipinas ang Convention on the Rights of the Child at dalawang taon makalipas ay inilabas naman ang Philippine Action Plan for Children, kasama ng ayuda ng UNICEF na nagbibigay ng mga ‘clinical input’ at panuntunan sa pamahalaan.
Noong 2008, pinasimulan ng UNICEF ang Days of Peace campaign, na nagkakaloob ng mahalagang serbisyo sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa Mindanao, na nakatuon sa mga bata na pinakamalapit sa panganib ng eksploytasyon sa pagsira ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at ng kanilang edukasyon. Nang sumunod na taon, 2009, bumuo ang UN Special Representative of the Secretary General for Children and Armed Conflict, kasama ng UNICEF at ng Moro Islamic Liberation Front, ng isang planong aksiyon upang protektahan ang mga bata. Bilang resulta, 1,869 na bata, 620 ay mga babae, ang nahiwalay sa ranggo ng MILF at tinanggal ng UN ang MILF mula sa listahan ng mga armadong grupo na kumukuha at gumagamit ng mga bata.
Ang trabaho ng UNICEF na protektahan ang mga bata na apektado ng mga hindi inaasahang pangyayari ay naging isa sa mga tatak ng tungkulin ng organisasyon sa Pilipinas. Makaraan ang super-typhoon Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa, na tumama sa Samar at Leyte noong Nobyembre, 2013, na nag-iwan ng 6,300 patay, 1,601 nawawala at 28,689 sugatan, pinangunahan ng UNICEF, kasama ng mga katuwang nito, ang pagtulong sa 43,907 bata.
Noong 2016, inilabas ng UNICEF at ng Council for the Welfare of Children ang resulta ng National Baseline Survey on Violence against Children, isang pagtatampok ng mga nagawa sa loob ng limang taon, na nagsisiwalat sa nakakagulat na 80 porsiyento ng mga bata at mga kabataan ang nakaranas na ng karahasan sa kanilang buhay—sa tahanan, paaralan at sa kanilang mga komunidad. Kasunod nito, naging pangunahing kalahok ang UNICEF sa pagbubuo ng Philippine Plan of Action to End Violence against Children.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na ang UNICEF sa mga pribadong sektor, partikular sa telecom firm ng Smart at PLDT, upang ipanawagan ang pampublikong kamalayan sa pangangailangan ng child online protection, at sa Globe Telecom upang matulungang maisama ang child online safety sa kurikulum ng Department of Education. Ang Cyber violence ay isang problema na hindi umiiral noong mga nakalipas na dekada, ngunit ngayon, laganap na sa cyberworld ang karahasan at banta sa mga karapatan at kaligtasan ng mga bata.
Ito ay 72 taon na nang pagtatrabaho sa pagtulong protektahan ang karapatan ng mga bata sa Pilipinas, na lubos nating ikinakagalak sa pagsisikap ng UNICEF. Umaasa tayo sa patuloy na pagtataguyod sa karapatan ng mga Pilipinong bata at ng iba pang mga bata sa buong mundo