NAUNGUSAN ng Far Eastern University ang University of Santo Tomas, 68-66, upang wakasan ang cinderella run ng Tigresses at umusad sa Final ng UAAP Season 81 women’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Ayon kay Lady Tamaraws coach Bert Flores, hindi nila inaasahan ang pag-usad sa finals dahil anim na senior players ang nawala sa kanilang roster.

“Sobra! Sobra talaga!” ani Flores makaraang ihatid ang koponan sa championship round pagkaraan ng apat na taon. “Yung team namin, anim nawala. Nung wala si Clare, bulilit kami, para kaming minions. Ngayon, may [June Mar] Fajardo na kami, hindi na kami bulilit.”

Pinangunahan ni Clare Castro ang nasabing panalo ng FEU sa itinala niyang 32 puntos mula sa 12-of-19 shooting bukod pa 15 rebounds at 2 blocks.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Ayon pa kay Flores, sinamantala din nila ang pagiging pagod ng kalaban.

“Galing din sa pagod ito. Sabi ko, bakbakin namin dahil pagod sila,” ani Flores na tinutukoy ang apat na do-or-die games na pinanggalingan ng Tigresses.

Namuno para sa natalong Tigresses si Season MVP Grace Irebu na may 28 puntos, 13 rebounds, 4 steals, at 3 blocks kasunod ang graduating na si Sai Larosa na may 10 puntos, 8 rebounds, at 5 assists.

Dahil sa panalo, ang FEU ang may karapatang hamunin ang reigning 4-time champions NU Lady Bulldogs sa best-of-three finals series na sisimulan sa Sabado sa SM Mall of Asia Arena.

“Suwerte na dumating si Clare, may rebounder kami. Kahit paano nabubuhayan kami,” pahayag ni Flores, nakatikim ng huling UAAP championship noong 2005, kasama ang PBA star na si Arwind Santos.

-Marivic Awitan

Iskor:

FEU (68) -- Castro 32, Quiapo 12, Antiola 9, Mamaril 7, Taguiam 5, Bahuyan 3, Vidal 0, Bastatas 0, Abat 0, Adriano 0, Payadon 0.

UST (66) -- Irebu 28, Ferrer 11, Larosa 10, Capilit 9, Portillo 5, Rivera 3, Aujero 0, Tacatac 0, Sangalang 0, Magat 0, Gonzales 0.

Quarterscores: 16-12, 31-30, 53-43, 68-66