Ipinaalala kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na hanggang ngayong Huwebes na lang ang deadline para sa substitution ng kandidato ng isang political party o koalisyon na nag-withdraw, nasawi, o nadiskuwalipika sa halalan sa isang pinal na hatol.
“Reminder, this Thursday is the deadline for the substitution of candidates for the #NLE2019,” ayon sa abiso ng Comelec kahapon.
Wala namang plano ang Comelec na palawigin pa ang naturang deadline upang mabigyan ang poll body ng sapat na panahon para makumpleto ang opisyal na listahan ng mga kandidato hanggang sa Disyembre 15, 2018.
Kinaikailangan din umanong maisama ang pangalan ng naturang substitute candidate sa balotang ipaiimprenta ng Comelec para sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019.
Paglilinaw ng ahensiya, paglampas ng naturang deadline ay papayagan pa rin ang pagpapalit ng kandidato, hanggang sa kalagitnaan ng mismong araw ng halalan, kung ang nasabing kandidato ay namatay, o nadiskuwalipika sa isang pinal na hatol, bago simulan ang botohan.
Kinakailangan ding ang substitute candidate ay may kaparehong apelyido sa kandidatong kanyang papalitan.
-Mary Ann Santiago