Hindi maipapasa ang panukalang 2019 national budget ngayong taon dahil na rin sa kakapusan ng sapat na panahon para himayin ito.

Ito ang inihayag kahapon ni Senate President Vicente Sotto III, at sinabing wala na talagang oras at sa ngayon ang kailangan na lang nilang pakinggan ang ilang opisyal ng pamahalaan para matalakay kung ano ang magiging plano nila.

“Hindi kaya talaga. Siguro kailangang humanap kami ng paraan kung paano ‘yung mga importanteng dapat mga kilos ng gobyerno ay hindi mapigil because of the campaign period,” ani Sotto.

Duda rin si Sotto kung maipapasa pa ang budget dahil na rin sa nalalapit na eleksiyon, at aabutin na rin ito ng election ban.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi pa ni Sotto na kung sa Enero 27 pa magkakaroon ng bicameral conference, isang linggo bago naman ang campaign period, tiyak na aabutan na ito ng election ban.

Kapag ganito ang magiging sitwasyon, ayon kay Sotto, tiyak na isusulong ang re-enacted budget sa loob ng unang anim na buwan sa 2019.

-Leonel Abasola