BAGAMAT iniutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapadala (reinforcement) ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga lalawigan ng Samar (Eastern at Western), Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol Region na pinamumugaran ng New People’s Army (NPA), wala naman daw balak ang ating Pangulo na magdeklara ng martial law sa iba pang panig ng bansa.

Layunin ng reinforcement ng military at police forces na sugpuin ang umano’y “lawless violence” at “acts of terror” sa nasabing mga lugar, na ang NPA ay nagsasagawa ng pag-ambush, pagpatay, pangingikil, pagkidnap at iba pang uri ng karahasan laban sa mga sibilyan.

Sa inisyung Memorandum Order 32 ni Executive Sec. Salvador Medialdea noong Huwebes, binigyang-diin ng Malacañang ang dumaraming insidente ng karahasan sa naturang mga lugar na kagagawan umano ng rebeldeng komunista at iba pang grupong kaaway ng gobyerno.

Para kay PRRD, hindi kailangan ang “face-to-face talk” o harapang pakikipag-usap sa mga lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Gusto ng Pangulo na magsumite ang communist leadership ng kanilang bersiyon ng final draft tungkol sa usapang-pangkapayapaan. Ito ay pag-aaralan at rerepasuhin ng AFP at PNP kung makabubuti sa bayan.

Samantala, sinabi ni Mano Digong na hindi niya haharapin sina NDF leaders Fidel Agcaoile at Luis Jalandonio sakaling umuwi sa Pilipinas. Gayunman, tiniyak niyang hindi niya ipaaaresto ang dalawang lider-komunista. Siguro, ang haharap sa kanila ay sina Labor Sec. Silvestre Bello III at Peace Adviser Jesus Dureza. Tanong ng kaibigan ko: “Paano kung si Joma Sison ang umuwi?” Sabad ni senior-jogger: “Hindi uuwi ‘yun, walang tiwala kay Pres. Digong.”

oOo

Sinabihan si PDu30 na iwasan ang mga personal na pag-atake laban sa kanyang mga kritiko at sa halip, pagtuunan ang mga isyu sa bansa. Ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano, ang personal attacks ng ating Presidente ay hindi makabubuti sa pambansang situwasyon na ginigiyagis ng maraming problema.

Kung noong una ay idolo at modelo ni Jose Ma. Sison ang China ni Mao Tse Tung, ngayon ay binabanatan na niya ito at kinukuwestiyon ang kakayahan sa oil exploration sa West Philippine Sea-South China Sea. Ayon sa dating propesor ni PRRD, ang dapat pinili ng ating Pangulo ay hindi ang China sa eksplorasyon ng langis at gas, kundi ang European country sapagkat ang mga bansa sa Europe ay subok na sa karanasan at kapabilidad sa oil exploration.

Ganito ang pahayag ni Joma sa NDF website: “The tyrant Duterte and his followers keep on dumbing the Filipino people. To have their ways on major issues, they always forward false choices on the basis of simpleton arguments that are grossly contrary to facts.”

oOo

Pinasinungalingan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang alegasyon ni PRRD na ninanakaw niya ang mga donasyon para sa Simbahang Katoliko. Ayon kay David, baka napagkamalan siya ni PRRD sa ibang David. Siya ang kasalukuyang vice president ng CBCP.

Inilarawan niya si PRRD na may “sakit” kung kaya marahil gumagawa ito ng mga maling akusasyon. “Isipin ninyo, ang mga taong may sakit ay hindi nalalaman kung minsan ang sinasabi, kaya pagtiisan na lang natin sila,” maanghang na pahayag ni Bishop David. Pinakiusapan niya ang mga Pilipino na ipagdasal ang ating Pangulo.

-Bert de Guzman