NAGWAGI ng is ang gold at isang bronze medal ang Philippine National Rowing Team sa katatapos na 2018 Asian Rowing Coastal Championships sa Victoria Harbour sa Hongkong.
Nagwagi ng gold medal para sa Pilipinas si Melcah Jen Caballero nang manguna sa women’s Single Sculls habang ang mga beteranong sina Roque Abala at Edgar Ilas naman ang kumopo ng bronze sa Men’s Double Sculls.
Nagtala si Caballero ng 22 minuto at 20 segundo sa sinagwan nilang 4 kilometer course.Tinalo niya si Yi An Hua ng Chinese Taipeh ng 14 na segundo at Parisa Chaempudsa ng Thailand ng 32 segundo.
Ito ang unang pagkakataon na nagwagi ng gold medal ang Pilipinas sa Asian Coastal competitions.
Ang dalawang araw na kompetisyon ay nilahukan ng walong mga bansa na kinabibilangan ng Thailand, Chinese Taipeh, Indonesia, Singapore,Japan, South Korea, Philippines at host Hongkong bukod pa sa 11 local clubs doon.
Ang iba pang mga national rowers na umabot ng finals ngunit nabigong umuwing may medalya ay sina Joanie Delgaco at Jamyka Taylan sa women’s doubles sculls, Chris Nievarez,Nestor Cordova, Zuriel Sumintac ,Dennis Armenio at Kim Marty Umali sa Men’s Coxed Quadruple Sculls at Gabriel Reganit sa Men’s single Sculls-Final-B.
Kasama ng delegadyon at nagsilbi nilang coaches sina Edgardo Maerina, Nicanor Jasmin at Maricon Fornea.
-Marivic Awitan