NASA panahon tayo ng mga millennials. Ayon sa taya ng populasyon, binubuo ngayong taon ng mga millennials ang 68% ng kabuuan ng mga Pilipino. Nangangahulugan ito na pito sa bawat 10 Pinoy ay millennials!
Ang demographic shift na ito ay may malalim na implikasyon sa puwersa ng paggawa ng Pilipinas, kung saan dinaig na ngayon ng mga millennials ang bilang ng mga Gen X’ers, sa 46% kontra 40%. Ibig sabihin, nagbabago na ang lugar ng trabaho dahil sa pagpasok ng mga batang manggagawa na may ibang pinahahalagahan at ibang inaasahan, bago rin ang kanilang pananaw sa mga usapin, at hindi kumbensiyonal ang pagtupad nila sa kani-kanilang tungkulin.
At kung may isang bagay na kabisado ko sa pagnenegosyo, mahalagang bukas ka, nakakaunawa, at nakaaagapay sa mga pagbabago sa iyong paligid upang maging matagumpay. Ang mga salitang static at permanente ay katumbas ng pagiging lipas na at wala nang halaga.
Alam ko mismo ito, dahil ang kumpanya kong Vista Land ay isa sa mga nangunguna sa industriya sa larangan ng pag-eempleyo ng mga nakababatang manggagawa—mahigit 90% ng aming mga empleyado ay nasa millennial age group (silang isinilang noong 1984 hanggang 2002), at halos 20% ng nasabing grupo ang nasa mataas nang posisyon sa kumpanya.
Isang perpektong halimbawa nito ang anak kong si Camille, na isinilang noong 1985, at siya na ngayon ang nangangasiwa sa retail component ng Vista Land. Director din siya ng Vista Land, at managing director ng Vista Malls.
Bilang tatay niya, sobra kong ipinagmamalaki ang mga naging pagtatagumpay niya. Hinigitan pa niya ang mga inaasahan sa kanya, at tiyak akong malayo pa ang kanyang mararating. At kahit pa hindi ko siya anak—bilang Chairman ng Vista Land na regular na nakatutok sa marami naming proyekto—hangang-hanga ako sa husay ng pamumuno ni Camille. Kung ito man ang klase ng pamumunong handog ng lahat ng millennials, natitiyak kong magiging napakaganda ng kinabukasan ng ating bansa.
Bagamat taong 2006 lang nang opisyal na magtrabaho sa aming kumpanya si Camille, matapos niyang kumpletuhin ang kanyang Bachelor of Science in Business Management course sa Ateneo de Manila University, sa edad na lima ay namulat na siya sa pagnenegosyo.
Naaalala ko na isinasama ko pa siya noon, gayundin ang kanyang mga kapatid, sa mga open house tuwing weekends at noon pa lang ay natutuhan na nila ang mga detalye sa housing business. Isinasama ko si Camille maging sa ilang meetings ko, at may panahon na habang nakatingin siya sa mga proyekto naming pabahay, natanong niya kung saan maglalaro ng basketball ang mga tao, at saan maaaring maglaro ang mga bata. Ngayon, lahat ng aming housing developments ay mayroong mga clubhouses, sports facilities, at iba pang pasilidad.
Noong kapwa nasa Amerika sina Paolo at Mark para mag-aral, hiniling ko kay Camille na maiwan siya rito sa bansa upang matulungan niya ako sa aming mga negosyo, at para may makasama rin naman kami ni Cynthia sa bahay. Natanggap din si Camille sa Global Executive MBA Program ng prestihiyosong Instituto de Estudios Superiores de la Emprese (IESE) Business School sa Barcelona, Spain. Siya ang pinakabatang nagtapos sa isa sa mga nangungunang business schools sa mundo. Nasa 27 anyos lang siya noon, gayung ang average na edad ng mga estudyante ay 35.
Bilang isang business leader, natutuwa ako na masipag at walang pagod sa pagkatuto si Camille. Hindi siya tumitigil hanggang sa hindi nasisimulan ang dapat na maisagawa. Ang nadebelop niyang work ethic ay tiyak na malaking bentahe niya sa anumang leadership position na ookupahin niya, sa pribado man o pampublikong sektor.
Ito ang ipinagmamalaki ko bilang isang ama. Higit pa sa mga materyal na bagay na ipamamana ko sa aking mga anak, ang pinakamahalagang aral na maibabahagi ko sa kanila ay ang ideya na imposibleng makamit ang tagumpay nang hindi ito pinagsisikapan. Pagpupursige ang susi sa maayos na buhay. Mabibigo ka, madadapa, subalit mahalagang bumangon ka kaagad, matuto sa mga naging pagkakamali mo, at pag-igihan pa ang pagsusumikap. Tandaan mong kung wala ka pa ring napagtatagumpayan, kulang pa ang iyong mga pagpupursige.
(May karugtong)
-Manny Villar