NOONG kabataan naming magkakaibigan, ang palagi naming nilalaro ay barilan na ang bida ay ang mga iniidolo naming mga ‘bayaning pulis’ sa mga drama program sa radyo, na paboritong pakinggan ng mga matatandang kasama namin sa bahay.

Bihira pa kasi ang may TV set noong mga unang taon ng dekada ‘60, kaya sa mga transistor radio nakatutok ang mga nakatatanda sa bawat bahay, lalo pag hapon hanggang gabi, na ang palaging pinakikinggan ay mga radio drama.

Madaling malaman kung anong klaseng programa ang tinututukan nila: Kapag namumugto ang mga mata, siguradong drama gaya ng “Gulong ng Palad” at “Aklat ng Pag-ibig”; kapag nanlalaki ang mga mata at nakatitig sa radio, malamang na nakatatakot ito gaya ng “Gabi ng Lagim”; at kapag napapapadyak sa sahig at napapasuntok sa lamesa, walang-duda na action-drama ito na police story, kagaya nga ng paborito naming magkakaibigan – ang “Lagalag”.

Kaya tuwing magkakaroon ng gulo sa aming lugar at dumarating ang mga pulis upang hulihin ang pasimuno ng away, ay nakatanghod kaming magkakalaro sa mga ‘magigiting’ na alagad ng batas na sa tingin nami’y mga lodi, gaya ng aming ‘bayaning pulis’ sa programa sa radyo.

Para sa amin, ang matikas na alagad ng batas ay si Lagalag, ang detective na magaling manghuli ng mga kriminal sa action-drama na sinusubaybayan namin araw-araw, kasabay nang pagsindi ng ilaw sa mga poste ng Meralco sa lansangan.

Kaya hindi ako nagtataka kung bakit karamihan sa aking kalaro at naging kabarkada ng kami ay mag-kolehiyo na, ay nag-ambisyon na maging pulis at militar.

Ito rin marahil ang malaking impluwensiya sa akin, kaya sa halip na mag-engineer - na siyang ginusto ng aking tatay na kunin kong kurso at tinapos ko naman – ay mas pinili ko na maging police reporter upang makasama sa operasyon ng mga pulis at maisulat ang kanilang makulay na trabaho.

Sa sobrang impluwensiya, madalas akong mag-feeling detective sa aking mga coverage, at nakipag-unahan sa mga imbestigador sa pagkuha ng ebidensiya laban sa mga suspek. May mga pagkakataon pa ngang ako mismo ang naghahanap sa suspek – kapag ‘di ito maapuhap ng mga pulis -- at ibinibigay ko sa kanila ang bunga ng aking mala-Lagalag na “sleuthing” kapalit, siyempre, ng exclusive story para sa aking sinusulatang pahayagan.

Kaya naniniwala ako na sa halip na kalabanin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang action-drama ng ABS-CBN na “Ang Probinsyano” na kinabibidahan ni Cardo Dalisay, isang magaling na pulis sa kuwento, ay ipagpatuloy na lang ng PNP ang nasimulan nang pagtulong dito -- at bigyan pa ang script writer nito, ng mga declassified information ng mga malalaking accomplishment ng mga batikang imbestigador ng PNP, gaya ng mga nasa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Noong ako ay reporter na naka-beat sa Camp Crame, isang mina ng mga malalaking police story para sa akin ang CIDG – sa rami ng nasubaybayan kong malalaking kasong hinawakan nito, sobra-sobra kung magiging basehan ito ng mga kapana-panabik na episode ng isang telenobela.

Kung ang mga ito lamang ay magagawang script na pang pelikula o pang telebisyon man, siguradong makakalikha ng hero sa kanilang hanay ang PNP, gaya nga ng lodi namin noon na si Lagalag – na maaaring gawing huwaran sa landas na tatahakin ng ating mga kabataan.

Sa panahong ito na pinababantot ng iilang “bulok” na pulis ang buong hanay ng PNP – mas kailangan nito ang mga bidang kagaya ni Cardo Dalisay na magbabandila nang pagiging matikas at makabayan ng ating mga alagad ng batas sa medium na kinalolokohan ngayon ng mga kabataan – ang panonood ng pelikula o anumang programa sa TV sa kanilang mga smart phones.

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.